BINAWIAN ng buhay ang isang hinihinalaang karnaper makaraan makipagbarilan sa mga pulis nang sitahin habang sakay ng motorsiklong walang plaka sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Johnson Almazan, dakong 1:50 am habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng North Extension Office (NEO) Anti-Carnapping Unit sa pangunguna ni PO3 Renen Malonzo, sa kahabaan ng Waling-Waling St., Sampaguita Subdivision, Brgy. 175.
Napansin nila ang hindi nakilalang suspek habang lulan ng motorsiklong walang plaka kaya pinara nila.
Ngunit imbes huminto, bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang mga pulis. Bunsod nito, napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na ikinamatay ng suspek. ( ROMMEL SALES )