SA kabila ng pagwawagi ng Vietnam bilang top medal finisher sa katatapos lang na Jiu-Jitsu Regional Championships for South East and East Asia sa Hanoi, Vietnam, nagawang makasungkit ang Filipinas ng apat na gintong medalya at isang pilak mula sa tatlo nitong pambatong atleta.
Napanalunan ni Ann Ramirez ang dalawang ginto habang nagwagi rin ng tig-isang ginto sina Hansel Co at Alexander Sulit kasunod sa naitalang second-place finish para sa pilak ni John Baylon.
Umani ang Vietnam ng 10 gintong medalya, na ang pito ay pawang napanalunan ng kanilang mga manlalaro mula sa Hanoi.
Sina Co at Baylon ay parehong playing coach ng pambansang koponan na nagsimula muna sa larong judo bago sumubok sa jiu-jitsu.
Pinakamatanda sa national jiu-jitsu team sa edad na 51-anyos, si Baylon ay lumahok na at nagwagi sa Southeast Asian Games nang siyam na beses.
Kasunod ng kanilang matagumpay na kampanya sa Vietnam, minamataan ng mga Pinoy ang magandang performance sa Asian Beach Games sa Da Nang (sa Vietnam din) sa nalalapit na buwan ng Setyembre.
Ang jiu-jitsu, na kawangis ng Japanese judo martial art at sinasabing nagmula sa bansang Brazil, ay isa sa sports discipline na maaaring pagmulan ng gintong medalya para sa Filipinas sa iba’t ibang mga international sports competition, tulad ng Asian Games at maging sa Olimpiyada.
ni Tracy Cabrera