P1 bilyon sa ulo ni Duterte
Johnny Balani
June 16, 2016
Opinion
ANAK ng teteng mga ‘igan, P10 milyon, P50 milyon, P100 milyon!
Aba ngayo’y nasa P1 bilyon na ang ambagan ng drug lords, kapalit ng ulo ni Incoming President Rodrigo Duterte, sampu ng kanyang napiling susunod na Philippine National Police chief, Ronald Dela Rosa.
Sus, nakapanginig talaga mga ‘igan ang madugong usaping ito. Mantakin n’yong kaya pala palaki nang palaki ang halagang ipinapatong sa ulo ni Digong ay dahil hindi umano pumayag ang mga binansagang hired killer sa kakapiranggot na perang matatanggap nila sa pagpatay kay Digong.
Sa kabilang–banda mga ‘igan, hindi naman nagpatinag si Mang Digong sa banta ng drug lords. Bagkus, tuloy–tuloy pa rin sa kanyang pag-arangkada, upang matiyak umano ang kanyang ipinangako sa taong bayan sa loob ng anim na buwan ay pagpuputulin ang sungay ng tiwali at pasaway mga salot sa lipunan.
Aba’y hinay-hinay lang po sa pagtuligsa sa mga lason ng lipunan.
Bruskong Barangay Officials
Matagal na rin inirereklamo mga ‘igan, ang illegal connections sa Brgy. 185, Zone 16, District II, Tondo, Manila, na teritoryo ni Chairman Alexander Guilas.
Ayon sa ating Pipit, kaliwa’t kanan ang illegal connection ng koryente sa nasabing barangay. Ngunit walang aksiyon si Chairman Gurillas ‘este’ Guilas. Dagdag ng ating Pipit, ayon sa report ng Meralco, mismong barangay hall ni Chairman Guilas ay illegally connected ang koryenteng ginagamit.
Sus ginoo, kaya pala! E papaano nga naman maitutuwid o maitatama ang mga tagasunod o mga residente sa barangay ni Gurillas ‘este’ Guilas, e kung mismo ang punong-barangay ang pasaway?
Hindi ba paglabag ito sa Republic Act 7832–Anti Pilferage of Electricity and Electric Transmission Line / Material Act of 1994.
Dahil umano sa lantarang katiwalian, ayaw ipagalaw ang itinuturing illegal connections, kung kaya’t maging ang sinasabing Energy Regulatory Commission (ERC) Approved Elevated Metering Centers (EMC) Conversion Project ng Meralco, na dapat ay ipapatupad na sa kanyang barangay, hindi sinang-ayonan.
Kaya naman tuloy-tuloy pa rin ang illegal connections sa Barangay ni Guilas.
Kuwento ng ating Pipit mga ‘igan, kamakailan lang, nagkaroon ng sunog sa Barangay ni Guilas. Take note mga ‘igan, nagmula umano ang sunog sa bahay ni Chairman.
He he he… ‘yan ba ang bunga ng illegal connections ni Chairman?
Hindi masyadong pinag-usapan, baka umano mabuking!
Paging Mayor Erap Estrada and MBB Acting Director Virgilio S. Eustaquio, pangalan po ninyo ang ipinagmamalaki ni Chairman Guilas, kung kaya’t hindi umano siya puwedeng galawin!
Pero, hahayaan n’yo na lang bang sirain ang pamumuno ninyo ng ganitong Chairman?
Nawa’y sa ganitong sitwasyon, maipakita ninyo sa inyong barangay ang wastong pag-uugali ng isang public servant.