NAITANONG ng dating komisyoner ng Commission on Human Rights kung bakit wala umanong Muslim na kinatawan sa Gabinete ni president-elect Rodrigo Duterte.
Sa Tapatan sa Artistocrat media forum sa Malate, Maynila, naging palaisipan kay Atty. Nasser Marahomsalic, editor-in-chief ng pahayagan ng Integrated Bar of the Philippines na The Bar, kung bakit walang nakuha o napiling Muslim ang dating alkalde ng Davao City para italaga sa hanay ng kanyang mga kalihim.
Minsan naipahayag ni Duterte na nais niyang maging demokratiko ang pamamahala sa bansa kung kaya kailangan may kinatawan ang lahat ng sektor ng lipunan at maging ang bawat grupo para maging patas ang kanyang adminitrasyon sa kahaharaping mga problema ng sambayanan.
“Ang pagkakaalam ko ay nais niyang matugunan ang mga usaping may kaugnayan sa kapayapaan, ekonomiya, kahirapan at kriminalidad. Ngayon, kung nais niyang maresolba ang problema sa kapayapaan, kailangan din maipakita niya na walang diskriminasyon sa kanyang pagpili ng kanyang Gabinete,” ani Marahomsalic.
Sinabi ng dating CHR commissioner, sa kapanahunan ng mga nakalipas na pangulo ng Filipinas mula kay Ginang Cory Aquino hanggang kay President Gloria Macapagal-Arroyo ay nagkaroon ng representas-yon ang mga Muslim.
“Nawala ito nang manungkulan si Pangulong Noynoy Aquino at ngayon ay mukhang ganito rin ang gagawin ni Pangulong Digong (Duterte),” idiniin nito.
“Maraming mga Muslim na may kakayahan at talino na makatutulong sa kanyang administrasyon kaya makabubuti kung kukuha siya sa aming hanay para makipagtulungan sa kanyang lutasin at harapin ang mga isyung may kaugnayan sa mabuting pamamalakad ng pamahalaan,” dagdag ni Marahomsalic.
ni Tracy Cabrera