Relasyon ni Digong sa media tiniyak na aayusin ni Andanar
Rose Novenario
June 7, 2016
News
GAGAWING tulay ni incoming Communications Secretary Martin Andanar ang dalawang malalapit na kaibigan ni President-elect Rodrigo Duterte para maiparating ang kanyang planong magkaroon nang maayos na relasyon ang Punong Ehekutibo sa Malacañang media.
Sa press briefing kahapon sa New Executive Building (NEB) sa Malacañang, sinabi ni Andanar, sisikapin niyang magkaroon nang maayos na relasyon si Duterte sa media makaraan ang hindi pagkakaunawaan sa Manila-based mediamen sa Davao City.
Ani Andanar, makikipagpulong siya kay incoming Presidential Management Staff (PMS) chief Christopher “Bong” Go at Secretary to the Cabinet Jun Evasco upang maiparating kay Pangulong Duterte ang kanyang plano na magkaroon siya ng harmonious relationship sa Malacañang media.
Ayon kay Andanar, plano rin niyang magkaroon ng weekly television program si Duterte sa PTV 4 tulad ng kanyang programa sa Davao City noong alkalde pa na “Gikan sa Masa, Para sa Masa.”
Idinagdag ng incoming PCOO chief, plano rin niyang maglabas ng weekly tabloid ang gobyerno upang maghatid sa taumbayan ng magandang balita kaugnay sa nagawa ng administrasyong Duterte.
PCOO officials babalasahin
BABALASAHIN ni incoming Communications Secretary Martin Andanar ang mga opisyal ng mga ahensiya sa ilalim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) kasunod nang pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte na ang lahat ng appointee ni outgoing President Benigno Aquino III ay dapat umalis sa gobyerno.
Sinabi ni Andanar sa media briefing sa Malacañang, katulad ng ibang administrasyon ay magkakaroon ng revamp sa mga tanggapan ng PCOO partikular ang mga co-terminus ni Pangulong Aquino.
“Yes, there will be revamp. I mean just like any new administration, nagkakaroon ng mga pagbabago nang kaunti. Those who are good, the co-terminus appointments that have shown good performance, not necessarily they will be fired. The good ones will be retained,” paliwanag ni Andanar.
Magugunita na mismong si Duterte ang nagpahayag na lahat ng appointee ni Aquino ay dapat umalis bilang co-terminus.