P3-M presyo ng drug lord ‘Dead or Alive’ (Digong mag-aabono)
Rose Novenario
June 2, 2016
News
MAGMUMULA sa sariling bulsa ni President-elect Rodrigo Duterte ang ibibigay niyang P3 milyong reward sa bawat drug lord na mahuhuli ‘dead or alive’ ng mga awtoridad.
Sinabi ni Duterte sa kanyang press conference sa Davao City kamakalawa ng gabi, ang pabuyang P3 milyon sa makahuhuli ‘dead or alive’ sa drug lords ay magmumula sa kanyang sariling pera.
Aniya, gagamitin niyang pambayad ng reward ang pondong hindi nagamit noong presidential campaign.
Ngunit noong nakaraang linggo ay inihayag ni Duterte, ibabalik niya sa mga donor ang natirang campaign funds.
“Basta ako, may pera, hindi ko ninakaw. Hindi kasali ‘yung kay [Senator Antonio] Trillanes, bago lang ‘yan. Just before the elections. ‘Yan ang gamitin ko. I’ll dispose of that money,” giit niya.
“Itong supervising na durugista, you get about P2 million. Kung medyo sa second echelon lang ‘yan, branch branch na, P1 million. ‘Yung mini supervisor, parang banko na, mga P1 million na lang ‘yun. ‘Yung ordinaryo, P50,000. There’s enough money left,” sinabi pa ng incoming president.
Aniya, inatasan na niya si incoming NBI chief Dante Gierran na patindihin ang giyera laban sa illegal drugs lalo ang mga pulis na sangkot dito.
“They are lectured upon and they learn a lot, it’s a subject sa kanilang turo, when to kill and when not to kill. When is it legal to kill, when is it unlawful to take another man’s life. Pagka sinabi kong dead or alive, alam nilang kung tumaas ang kamay, talagang alive ‘yan. Pagka lumaban, e ‘di dead ‘yan. I don’t want to see a dead policeman or agent, whatever,’ wika ni Duterte.
“I appointed Gierran, he’s the director of the NBI dito sa atin, and I’ve seen him work for several years already. Sabi ko, ilagay kita riyan, pero sa isang kondisyon, kung may ahente ka, you have an agent there na nagkakalat, (who’s) into drugs, and it comes to a fight, I want you to kill him personally. I want you to do the killing, kasi sa iyo ko ibibigay ‘yung P3 milyon,” paliwanag ni President-elect Duterte.
Gagamitin din ng Duterte government ang Army para labanan ang droga lalo ang mga pulis na sangkot sa illegal drug trade.
“Hanapin ‘yung mga pulis na nagdodroga rin. Kaya kung kabaro ninyo, ayaw ninyo magkuwan, Army, o Navy ang gamitin ko. I will put to use the Armed Forces of the Philippines. Para kung kayong mga pulis, hindi ka hulihin, general ka, tawagin ko ‘yung private sa Army. Barilin mo. Ganoon lang ang paraan para mahinto ang droga e,” ani Duterte.
“Do not destroy my country because I will kill you. Do not destroy the youth of the land, our children, because I will kill you,” banta ni Duterte sa drug lords.