NAGPAHAYAG ng pag-asang manumbalik sa normal na pamumuhay ang kauna-unahang lalaking sumailalim sa matagumpay na penis transplant sa Estados Unidos.
Sumailalim sa operasyon ang 64-anyos na bank employee na si Thomas Manning para ikabit sa kanya ang penis ng yumaong donor sa Massachusetts General Hospital sa Boston.
Pinalitan ng donor organ ang isang pulgadang umbok na naiwang labi makaraang alisin ng mga doktor ang kanyang penis para mapigilan ang pambihirang cancerous tumour na lumalaganap sa bahaging ito ng katawan ni Manning.
“I want to go back to being who I was,” aniya sa panayam ng pahayagang New York Times.
Nagdesisyon siyang magpahayag sa publiko ng kanyang saloobin upang mabigyan ng pag-asa ang ibang kalalakihan na mayroong pinsala sa ari o genital cancer.
Inamin din ni Manning na hindi pa nga lang niya makayanang haraping tingnan ang kanyang donor organ, ngunit umaasa ang kanyang mga doktor na makaiihi siya nang normal sa loob ng ilang linggo at magbabalik din ang kanyang sexual function.
Bago ang operasyon, sinabi ni Manning na imposible siyang makipagrelasyon sa sinumang babae dahil mahirap sabihin sa iyong partner na nagkaroon ka ng ‘penis amputation.’
Gumugol ang surgical team ni Manning ng tatlong taon para sa paghahanda ng operasyon. Pinag-aralan nila ang maraming bangkay para maunawaan ang intricate anatomy ng penis at nagsagawa din ng iba’t ibang mga trial-run surgery sa ilang dosenang mga dead donor.
Kinalap ni Tracy Cabrera