Smooth transition kay Duterte (Pangako ni PNoy)
Rose Novenario
May 12, 2016
News
INATASAN ni Pangulong Benigno Aquino III si Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., na bumalangkas ng isang executive order para bumuo ng Transition Committee para maging maayos ang pagsasalin ng kapangyarihan kay presumptive president Rodrigo Duterte.
Sinabi ng Pangulo, naiparating na niya ang pagbati kay Duterte sa pamamagitan ng executive assistant ng dating alkalde na si Bong Go.
“I talked to Mr. Bong Go yesterday to relay to Mayor Duterte that an Administrative Order (AO) is being drafted designating the Executive Secretary as head of the transition team,” ayon kay Aquino.
Ayon sa Pangulo, nakahanda ang cabinet secretaries na magbigay ng briefing sa buong team ni Duterte para sa lahat ng kanilang concerns.
“I further offered that the Cabinet stands ready to brief his team on any and all of their concerns. Lastly we are committed to effecting the smoothest transition possible,” pahayag ni Pangulong Aquino.
Kaugnay nito, inilabas na ng kampo ni Duterte ang bubuo ng kanyang Transition Team bilang paghahanda sa maayos na paglilipat ng kapangyarihan ng Malacañang sa alkalde sa sandaling maiproklama na siya.
Sinabi ni Atty. Peter Lavina, ang bubuo ng transition team ng Duterte camp ay sina Leoncio Evasco Jr., campaign manager ni Mayor Digong; Christopher “Bong” Go, assistant campaign manager at executive assistant ng alkalde; Carlos Dominguez; Atty. Loreto Ata, Atty. Salvador Medialdea at Lavina.
Ang transition team ni Duterte ang makikipag-ugnayan sa transition committee na binuo ni Pangulong Aquino sa pamumuno ni Ochoa.