INENDOSO kamakailan ng isang grupo ng mga Filipinong Muslim ang kandidatura ni Sen. Grace Poe bilang pangulo ng bansa gayundin ang katambal niyang si Sen. Chiz Escudero. Nag-senti si Grace sa pagtanggap ng endorsement ng Muslim Movement for Grace-Chiz noong Lunes (Peb. 8) nang maalala niya kung paano minahal ng kanyang amang si ”Da King” Fernando Poe, Jr. ang mga kababayang Muslim sa Mindanao.
“Tuwing ako’y humaharap sa ating mga kababayang Muslim, palagi akong sentimental sapagkat hindi naman po kaila sa inyo kung gaano kayo minahal ng aking ama,” sinabi ni Grace sa mga miyembro ng MMGC.
“Minahal kayo ng tatay ko at bilib siya sa inyong tapang at pagmamahal sa inyong bahay at sa inyong kultura,” dagdag pa ng anak ni Da King.
Inisa-isa pa ni Grace ang mga pelikulang ginawa ng ama tungkol sa mga Muslim at sa Mindanao tulad ng Perlas ng Silangan, Muslim Magnum 357, Kahit Butas ng Karayom Papasukin Ko, at iba pa.
“Palagi niyang binibigyang halaga ang dignidad, kabuhayan, at kultura ng mga taga-Mindanao lalong-lalo na ang mga Muslim,” sey ni Grace patungkol sa kanyang yumaong ama.
Pangako ni Grace na kapag siya ang naging pangulo ay mas maraming oportunidad para sa mga Filipinong Muslim at makamit ang pinakamimithing kapayapaan sa Mindanao. ”Dapat maglagay din tayo ng Malacañang sa Mindanao. Bakit hindi? Hindi kailangang marangya, basta mayroong kultura ng Mindanao na makikita mo. Na ang bawat isa sa inyo ay magsasabi, ‘Ay ang pangulo ng Pilipinas ay pangulo rin naming at ipinaglalaban kami,’” sabi ni Grace.
“Alam mo kailangang gawin ko rin iyon dahil kapag nanalo ako at hindi ko tinulungan ang Mindanao ay baka multuhin ako ng tatay ko,” pagtitiyak ng anak ni “Da King.”
( ROLDAN CASTRO )