Sambayanan, dapat mag-alsa kapag may e-Magic sa 2016
Ariel Dim Borlongan
December 11, 2015
Opinion
DAPAT pagdudahan ng mamamayang Filipino ang pahayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na posibleng hindi matuloy ang halalan sa 2016 sanhi ng desisyon ng Supreme Court (SC) na isuspinde ang “no bio, no boto” na iginigiit ng ahensiya kahit malinaw na labag ito sa Saligang Batas ng ating bansa.
Para lamang itong hakbang ng Comelec na hindi matutuloy ang halalan sa 2016 kapag hindi ibinigay ang lahat ng kontrata kaugnay ng eleksiyon sa mga anak ng Diyos na taga-Smartmatic-SIM.
Ang totoo, may tsismis sa pugad ng mga ulupong sa Malakanyang na mahirap ipilit si Liberal Party (LP) presidential bet Mar Roxas para manalo sa 2016 lalo’t kahit ano ang gawin nito ay laglag ang tuka sa mga survey.
Nang irepaso ko nga ang aking email kaugnay ng 2010 elections, nakagugulat na ang mga nangangalandakang maka-Mar ay mismong naglaglag sa pambato ng Capiz kaya tinalo ni Vice President Jejomar Binay. Kaagad kong nai-save ang mga email ni Dan Rader, pen name ng brod ni Sen. Chiz Escudero at nag-print out ako para hindi makapagkaila ang mga nagsabwatan laban kay Mar o ang mga nag-NoyBi sa halalan noong 2010.
Tsismis nga ng isang dating taga-Intel, “sure win” na ang madalas kong banatan na si Binay dahil kasado na siya sa e-Magic ng Smartmatic kaya natataranta si Bautista dahil kahit ano ang gawin nila sa Comelec ay malabong manalo si Mar. Sa laban para sa VP, ang kasahan ay nasa mga kamay nina Sen. Chiz at Sen. Bongbong Marcos pero llamado ang oragon ng Sorsogon dahil kasama siya ni Binay sa “operasyon” noong 2010, bulong nga ng taga Intel.
Nakapanlulumo tuloy na kahit anong boto ang gawin natin sa Mayo, tiyak nang si Binay ang mananalo at “justification” na lamang ang kanyang mga anunsiyo sa radyo at telebisyon at paglilibot sa iba’t ibang panig ng bansa. Sabi nga ng barkada kong si alyas Steve, “No-El” lamang talaga ng solusyon para hindi matuloy ang e-Magic o dayaan sa halalan.
Pero papayag ba ang sambayanan na muling maulit ang pandaraya ng Smartmatic tulad noong 2010 at 2013 elections? Sa palagay ko, dapat magkaroon ng pagkakaisa ang lahat na kumilos para hadlangan ang “No-el” at e-Magic na plantsado na para sa 2016 elections.
Masyadong mapanganib para sa Filipinas kung muling gagawin ng Smartmatic ang ginawa nilang pandaraya sa dalawang huling eleksiyon. Kung kinakailangan na muling mag-alsa ang sambayanan, mas wasto ito kaysa hindi masusunod ang tunay na iniluklok ng mga Filipino sa Malakanyang.