NAGHIYAWAN ang mga nanonood sa OCBC Aquatic Centre nang makitang palapit na siya sa finish line. Lumitaw ang manlalangoy, na may kapansanan sa mga binti, paa at kamay, bilang gold medalist para sa men’s 200m individual medley SM8 (SM7-SM8) nitong nakaraang Disyembre 8 sa ika-8 Asean Para Games sa Singapore.
“Bago ang kompetisyon, sinabihan ko ang aking coach na nais kong basagin ang aking record sa 2:47, at talagang malakas ang aking pakiramdam na magagawa ko ito,” wika ni Ernie Gawilan.
Parang isang pangako, nagawa ngang basagin ng 24-anyos na swimmer ang dati niyang record na 2:56:41 sa naitalang bagong markang 2:47:64. Nasungkit ni Toh Wei Soong ng Singapore ang pilak sa talang 3:05.55 at si Dang Van Cong naman ng Vietnam ang kumuha ng tanso sa oras na 3:16.39.
Kamakailan ay sumailalim si Gawilan sa mas matinding training schedule—tatlong oras sa umaga at tatlong oras pa sa gabi, anim na araw kada linggo at lumalangoy nang pitong kilometro sa bawat pagkakataon.
“Pinatindi rin ang aking weight training,” aniya.
Hawak ang kanyang gintong medalya, nagpahayag si Gawilan nang lubos na kasiyahan sa kanyang panalo.
“Mahilig ako sa swimming. Kapag nasa tubig ako, ang pakiramdam ko ay kompleto ang aking pagkatao,” aniya.
Nakalaban na siya sa iba’t ibang bansa sa Asya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na napalaban siya sa Singapore.
“Mababait ang mga tao rito (sa Singapore) at accommodating sila, at ang mga pasilidad dito ay angkop din sa mga disabled,” dagdag niya.
Nang tanungin kung ano ang kanyang komento sa kanyang mga tagasuportra rito sa Filipinas, nakangiting nagpahayag si Gawilan: “Nais ko silang pasalamatan lahat.”
“Nais ko rin pasalamatan sila sa ibinigay nilang tiwala sa amin, sa kabila na my kapansanan kami.”
Ayon sa kanyang coach na si Tony Ong, malaki ang kinabukasan ni Gawilan sa sports.
“Nakikinig siya sa aming mga payo, at kapag desidido siya sa isang bagay, ibinubuhos niya ang lahat dito para makamit niya.”
ni Tracy Cabrera