KAPANSIN-PANSING may dalawang bodyguards si Vhong Navarro na umaali-aligid sa kasagsagan ng presscon ng BuyNow, Die Later. Nandiyan pa rin ang takot niya pagkatapos ng nangyari sa kanila sa grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo. Mas maige na rin daw ‘yung nag-iingat.
“Kasi alam naman natin ang panahon ngayon, hindi natin alam, ang tao ngayon, ‘pag pinapatay, parang ipis na lang, eh, di ba? Mahirap, eh,” deklara niya.
Hindi pa rin natatapos ang kaso nila ni Lee at grupo nito na matatandaang itinuro niyang nambugbog umano sa kanya.
Tinanong si Vhong kung ready na ba siyang makipag-areglo?
”Hindi po ako makikipag-ayos,” diretso niyang sagot.
Kaya ba niyang magpatawad?
”Sa ngayon kasi, ang hirap magpatawad na ikaw pa ang binabaliktad. Paano mo patatawarin ang isang tao kung ikaw pa ang binabaliktad, ikaw pa ang masama? Kaya ko naman sila patawarin kung hindi nila pinalalabas na ako pa ang masama,” sambit niya.
Tungkol naman sa It’s Showtime wala siyang update kung totoong sisibakin ito sa February.
“Sa amin, wala naman pong sinasabing ganoon. Kami po kasi, pumapasok kami para makapagpasaya ng tao, ibinibigay lang po namin kung ano po ‘yung kailangan sa amin ng solid Showtimers o ‘yung mga nasa bahay na nanonood, binibigay lang po namin ang best namin. Sumusunod lang po kami sa pinagagawa sa amin.
“Pero ‘yung sinasabi nilang hanggang Feb, ako po, hindi ko pa po naririnig, honestly. Kung sakali na hanggang Feb. huwag naman po. Kasi ang tagal na rin, eh, seven years ongoing, basta nandito lang naman kami, kung anong kailangan naming gawin para madagdagan or magbigay-saya,” bulalas niya.
Anyway, focus muna siya sa horror-comedy movie niyang Die Now, Pay Later na prodyus ng Quantum Films, MJM Productions, Inc., Tuko Film Production, at Buchi Boy Films.
Kasama rin ni Vhong dito sina Alex Gonzaga, John Lapus, Rayver Cruz, Lotlot de Leon, Janine Gutierrez, at TJ Trinidad mula sa direksiyon ni Randoplh Longias.
Havey!
TALBOG – Roldan Castro