NADESGRASYA ang mainstay ng Banana Sundae na si Jobert Austria aka Kuya Jobert sa Araneta Avenue corner Del Monte, Quezon City. Sumalpok ang kotse ni Jobert sa isang kariton na may mga kalakal. Bumangga siya sa concrete barriers nang makaladkad ang kariton.
Sumakit ang kanyang likuran, nasugatan ang kanyang braso at ibang parte ng katawan.
Isa si Kuya Jobert sa pinupuri ng cast ng Banana Sundae dahil mabilis ang pick-up niya para magpatawa at may timing talaga.
Speaking of Banana Sundae, may kasabihan na kung wala namang sira, hindi kailangan palitan, baguhin, o ayusin, kaya patuloy na nagpapasaya lang ang comedy show sa bago nitong timeslot tuwing linggo simula noong November 15.
Pumalo ng 14.4% ang national TV rating ng Banana Sundae ayon sa datos na nalikom ng Kantar Media.
Wala namang pinagbago ang show kundi sa pagiging mas kuwela, mas magulo, at mas nakatatawang bersiyon nito na siya namang kinagigilawan ng mga manonood ng show na pitong taon ng umeere. Patok na patok kasi sa mga manonood ang kanilang Kantaranta, Baby Boy and Baby Girl, at Make Me Rap na mga segment.
Naging mas espesyal pa nga ang pilot episode ng Banana Sundae dahil nagbabalik na ang komedyanang si Pokwang at isinama pa si Jessy Mendiola, na ipakikitang mayroon din siyang funny side bukod sa pagdagdag ng kaseksihan kasama ang iba pang kababaihan ng Banana Sundae.
Bukod pa riyan, idinedicate ng cast ang isang buong Make Me Rap segment sa natatanging original Banana Split girl na si Angelica Panganiban na nagdiwang ng kanyang kaarawan. Maluha-luha pa nga si Angelica nang magpasalamat sa itinuring niyang extended family at ang kanyang kahilingan sa kaarawan ay hindi mabuwag ang kanyang pamilya sa Banana Sundae.
Hindi rin naman mawawala ang ibang bida sa Banana Sundae tulad nina John Prats, Ryan Bang, Sunshine Garcia, Aiko Climaco, JC De Vera, Pooh, Jobert Austria, at Badji Mortiz.
Pinamumunuan ang Banana Sundae nina direk Bobot Mortiz at Linggit Tan-Marasigan na nagsisilbing executive ng production kasama sina Rocky Ubanabilang executive producer, Willy Cuevas bilang creative manager, at Roderick Victoria bilang head writer.
Ang Banana Sundae ay mapapanood tuwing Linggo pagkatapos ng ASAP20. Ang iba pang weekend comedy shows ng Kapamilya Network ay binubuo ng Goin’ Bulilit, Luv U, at Home Sweetie Home.
TALBOG – Roldan Castro