Balik politika ang usapan…
Joey Venancio
November 23, 2015
Opinion
HALOS isang linggo rin nanahimik ang mga kandidato para sa 2016 election dahil sa APEC na nagtapos nitong nagdaang Biyernes.
Nakatutok kasi ang media sa pagdating at paglatag ng mga kasunduan sa ating pamahalaan ng 21 leaders ng iba’t ibang bansa, kabilang ang pinakamalalaking bansa ng Amerika, China, Russia at Canada.
Ngayon, asahang magbabaga uli ang batuhan ng putik ng mga kandidato lalo sa pagkapangulo. Lalo’t naibasura ng SET ang disqualification case laban sa nangungunang presidentiable na si Senador Grace Poe.
Umentra rin uli ang dating talk of the town na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Tatakbo na raw siyang presidente dahil sa pagkabasura ng disqualification vs Poe.
Hindi niya raw kasi maatim na ang susunod na pangulo ng bansa ay isang American citizen.
Pero makahahabol pa kaya si Duterte? Kapag nag-substitute siya sa kanyang kapartido na nag-withdraw sa kandidatura sa pagka-pangulo, may makukuha pa kaya siyang mga kandidato sa lokal? Kasi ang mga kandidato sa pagka-gobernador, kongresista at mayor ay nakapanumpa na sa partido nina Mar Roxas at Jojo Binay.
Maging si Poe nga ay walang kandidato sa lokal. Kasi wala siyang partido. Independent siya tulad ng kanyang Vice President na si Chiz Escudero.
Well, tingnan natin hanggang Disyemre 10… tiyak may malaking pagbabago sa lineup ng mga kandidato sa lokal kapag natuloy ang pagtakbong presidente ni Digong.
Abangan!
Ano ba ang nangyari kay Duterte?
– Sir Joey, ano ba ang nangyari kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ngayon lang sya nagdeklara ng kanyang kandidatura sa pagka-presidente sa 2016? Pwede pa ba yun na tapos na ang filing ng COC? Sana kung maaga pa siya sa kanyang pahayag, tiyak na siya na ang susunod na pangulo. – 09283470…
Puwede pang tumakbo sa pagka-presidente si Duterte. Magsu-substitute siya sa kanyang kapartido na magwiwidro. Hanggang Disyembre 10 pa ang deadline para sa mga magwiwidro at magsu-substitute, ayon sa COMELEC.
Kolektong ng Baclaran Pulis sa vendors
– Sir Joey, report ko po ang kolektong ng Baclaran Pulis. Kalalatag palang namin, naningil agad. Hindi kami nakabigay, tinakot kami na pahuli sa pulis. Kapal ng mukha, parang may utang kami sa kanila. Wag nalang po ilagay ang numero ko. Salamat. – Baclaran vendor
Lagyan ng ngipin ang batas laban sa “jumper”
– Kahilingan sa ating mga mambabatas (kongresista at senador), dapat po magkaroon ng batas sa ating bansa na kung mahulihan ng nakaw na kuryente, jumper, dapat ay parusahang ‘habambuhay na pagkabilanggo’. Bakit po? Aba’y maraming mga bahay at ari-arian ang nasusunog at marahil nalalaman ng lahat ito. Kaya… kayong mga kongresista at mga senador, mga matatalino, subalit kulang pa. Pumunta po kayo sa ‘Department of Common Sense’ ni Mar Roxas at sya lamang ang nagtayo nito upang ang mga namumuno sa atin ay magtanong sa kanilang sarili upang may pakinabang ang taong-bayan sa kanila. Sana sa 2016 ay pagkalooan tayo ng mabuting mamuno sa ating bansang Pilipinas. At sana wala nang nakawan at wala nang makulong na mga senador sa pamamagitan ng common sense. Salamat po. -09997861…
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015