WALANG plano si Canadian Prime Minister Justin Trudeau na tuldukan ang mahigit dalawang taon pagdurusa ng mga Filipino sa tone-toneladang basura na ilegal na itinambak sa Filipinas mula sa kanilang bansa.
Sa press conference ni Trudeau kamakalawa ng gabi sa International Media Center makaraan ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit, sinabi niya na kailangan pang amyendahan ang batas sa Canada para magkaroon ng kapangyarihan ang kanilang pamahalaan na mapanagot ang nagpadala ng basura sa Filipinas.
“Well, I think, going forward, we need to ensure that if a situation like this were to arise once again that the Canadian government has more power to actually demand action from the companies responsible. I believe there are loopholes here that were allowed to be skirted that we need to make sure we close, both for Canada’s interest and for our good relationships with our neighbors,” aniya.
Sinampahan ng kaso ng Bureau of Customs ang Chronic Plastics, ang consignee ng basura, dahil sa paglabag sa Revised Penal Code, Tariff and Customs Code at 1990 Toxic Waste Act.
Batay sa 1995 convention on hazardous waste, “the exporting country must take back the waste materials if the receiving country refuses to accept them.”
Samantala, umaasa si Trudeau na ang inaani niyang paghanga mula sa mga Filipino ay ibase rin sa kanyang nalalaman at kakayahan at hindi lamang sa panlabas na kanayuan.
Si Trudeau at Mexican President Enrique Nieto ay binansagang APEC hotties.
Trudeau umaasa sa paglaya ng 2 canadian na dinukot ng ASG
UMAASA si Canadian Prime Minister Justin Trudeau na magkakaroon nang mapayapang kalutasan sa kaso ng dinukot na dalawa nilang kababayan ng teroristang grupong Abu Sayyaf.
Bago bumalik ng Canada kahapon, inihayag ni Trudeau na nag-aalala siya sa sitwasyon ng dalawa niyang kababayan na patuloy na hawak ng mga Abu Sayyaf.
“Obviously, I am concerned with the situation and have been briefed on the situation, and certainly hope for a peaceful resolution of the situation,” aniya.
Hindi naman sumagot ang Prime Minister kung tutugon sa hirit na ransom na dalawang bilyong piso ng mga terorista kapalit ng kalayaan ng dalawang Canadian nationals na sina John Ridsdel at Robert Hall.
Ang dalawa ay kasama sa apat na tinangay ng mga armadong kalalakihan nang salakayin ang isang island resort sa Samal island noong nakaraang Setyembre.
Noong nakalipas na Martes ay napaulat na bineberipika ng militar ang intelligence report na pinugutan ng Abu Sayyaf ang bihag na Malaysian national na si Bernad Then Ted Fen sa isla ng Jolo.
Si Then kasama si Thien Nyuk Fun ay dinukot sa isang Chinese seafood restaurant sa Sabah at dinala ng mga terorista sa Jolo noong Mayo.
Noong nakaraang linggo ay may report na pinalaya si Thien makaraang magbayad ng ransom.