P10-B APEC budget okey lang ba!? (Para maramdaman daw ng delegates na it’s more fun in the Philippines )
Jerry Yap
November 17, 2015
Bulabugin
EKONOMIYA at Filipino hospitality ang rason ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr., kaya naglaan at gumagastos ngayon ang gobyernong PNoy ng halagang P10 bilyones para sa ginaganap na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Sampung pisong bilyones?!
Sonabagan!!!
Kung bubuhayin ang agrikultura sa malalawak na lupain sa mga lalawigan para magkaroon ng kabuhayan ang mga naninirahan doon upang huwag na silang lumuwas at manirahan sa Maynila at kung muling palalakasin ang industrialisasyon sa bansa sa pamamagitan ng pagsuporta sa maliliit na negosyanteng Filipino na kayang magbigay nang maayos na trabaho, tamang suweldo at mga benepisyo sa kanilang mga empleyado, ang P10 bilyong piso ay malaking halaga para simulan ang layuning ito.
Hindi natin maintindihan kung bakit kailangan gumastos ng P10 bilyones ng gobyernong ito kapalit umano ng FOREIGN INVESTMENT?!
Tell that to the marines!
Kahit sarili nga ninyo ‘e hindi naniniwala na mag-i-invest dito sa Pinas ang mga bansang ‘yan dahil alam ninyong susuko agad ang mga pribadong kompanya.
Ano ang sinusukuan ng mga investor dito sa Pinas, siyempre unang-unang ang labor unrest.
Bakit may labor unrest? Mababa ang minimum wage, kulang ang mga benepisyo. Sa maliit na minimum wage ay diyan pa kukunin ang pagpapaaral at pangangalaga sa kalusugan ng kanilang pamilya.
‘E sa sapat na pagkain na ihahain sa mesa, kulang na agad ‘yung umiiral na minimum wage ngayon doon pa kaya sa ibang pangangailangan sa serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon at kalusugan?!
Ikalawang sinusukuan ng foreign investors sa bansa, mataas ang rate ng koryente. Halos 50 percent ng maintenance expenses nila ay nilalamon ng koryente. Kaya nga ang tendencies, mas tinitipid nila ang mga manggagawa at empleyado kaya pumapasok na naman ang labor unrest.
Ikatlo, ang walang kamatayang red tape. Bago matapos ang paglalakad ng mga kaukulang permiso at dokumento para sa isang negosyo, sandamakmak na pang-goodwill sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na ang ‘nailabas’ ng foreign investor para lumarga agad ang kanilang negosyo.
Ikaapat, super-taas na buwis na hindi maintindihan kung saan napupunta dahil ‘parang barya sa butas na bulsa’ ang kinahihinatnan ng ibinabayad na buwis ng sambayanan.
Ngayon, sige nga kombinsihin ninyo ang sa-rili ninyo na ‘lalago ang isang negosyo’ dito sa bansa, lokal man o dayuhan, kahit umiiral ang apat na dahilan na binanggit natin sa itaas.
Sabi pa ni Kolokoy este Secretary Coloma, tingnan daw ang ‘long-term benefits’ na mahihita ng bansa hindi ‘yung pag-ukilkil lang sa budget na P10 bilyones lalo’t 19 na taon daw ulit bago ito maulit.
Pakengsyet!
Marami raw turista ang maeengganyong mamalagi sa bansa dahil parang trust and security building daw ang isa sa mga pakinabang ng bansa sa APEC.
Kamote!!!
Tatanggapin na lang ba natin habang buhay na ang ekonomiya ng ating bansa ay nakasandig sa turismo, BPO, at dollar remittances sa pamamagitan ng pagluluwas ng lakas-paggawa o pagpapaalipin ng ating mga kababayan (overseas Filipino workers o OFWs) sa ibang bansa, imbes muling paunlarin ang agrikultura at buhayin ang iba’t ibang linya ng produksiyon at industrisya sa bansa?!
Ano nga ang sabi ni Kolokoy este Coloma?
“Big part of the development in the world is based on the so-called people-to-people friendship and cooperation. According to my friend, ‘an investor starts as a tourist; happy tourist becomes interested investor.”
Ang haba ng aral mo Kolokoy pero ganyang pangangatuwiran lang ang namumutawi sa bibig mo?!
Bulok ang political economy ng bansang ito kung ganyan ang mga pangangatuwiran mo Kolokoy!
Mula noong Enero pa raw ginagastos na ‘yang P10-bilyon na ‘yan para sa APEC.
Wala naman kayong itinayo na bagong convention center para riyan sa apec-apec n’yo?!
By the way, saan pala mapupunta ‘yung mga BMW na tax free kuno na ipinasok sa ating bansa?
Ibebenta ba ulit ‘yan ng BMW company after ng APEC? Aba napakasuwerte naman pala ng importer na ‘yan!
Puwede bang balikan mo, Secretary Kolokoy este Coloma ang mga rason mo sa publiko tungkol sa P10-bilyon gastos sa APEC?!
Nakapanliliit na gumagastos nang ganyan kalaki ang gobyerno habang milyon-milyong Pinoy ang walang trabaho, hindi makapag-aral, natutulog sa kalye at namamatay na hindi man lang nakakita ng doktor.
Alam ba ng administrasyon ninyo ‘yan, Secretary Coloma?!
Sana ‘e masagot ninyo ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com