Sabungan ‘wag gamitin sa ‘Net Betting’ (Babala ng NBI sa mga may-ari)
Jerry Yap
November 3, 2015
News
BINALAAN kahapon ng National Bureau of Investigation ang mga may-ari ng sabungan sa bansa na huwag itong gamitin sa online gambling.
Ginawa ng NBI ang babala sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa illegal online sabong-betting websites, muling nagsagawa ng raid ang mga ahente nito sa isang sabungan naman sa lalawigan ng Laguna.
Nasakote ng mga operatiba ng pamahalaan sa loob ng San Pedro Coliseum sa San Pedro, Laguna ang mga tauhan at nagpakilalang may-ari ng sinasabing iligal na sabong-betting website na www.sabongch.com
Sa bisa ng isang search warrant na inisyu ni Judge Cynthia R. Marino-Ricablanca, nahuli sa akto ang pag-video ng mga sultada at pagpapalabas nito sa internet ng live upang mapagsugalan ng online players.
Dumating ang nagpakilalang may-ari na si Cresencio “Boy” Marzo sa sabungan kung saan nagaganap ang raid ng NBI.
Iprinisinta ni Marzo ang umano’y lisensiya niya, subalit napatunayan na ang mga nasabing papales ay walang bisa.
Ayon sa NBI CAVIDO, ang lahat ng dokumentong nabanggit ay maaari ring pagbasehan sa kasong “falsification of public documents” laban sa nasabing may-ari kung mapatutunayang peke nga ang mga ito.
Napag-alaman din ng mga operatiba ng NBI na ang dalawa sa anim na crew ng nasabing iligal na sabong-betting website na www.sabongch.com ay menor de edad na malinaw na paglabag sa Labor Code.
Ayon kay Atty. Olivo A. Ramos, head ng NBI CAVIDO, dapat iwasan ng mga sabungan na magpa-cover sa mga walang permit na sabong-betting sites, kung ayaw nilang makasuhan din at maging dahilan para mapasara ang kanilang establishment.
Sa ngayon ay may mahigit 20 sabong-betting websites ang illegal na nag-ooperate dahil nga sa kawalan ng lisensiya o permit na isagawa ang nasabing pagpapasugal sa internet gamit ang sabong.
“Hindi maaring maging dahilan ng isang mare-raid na sabungan na hindi niya alam na illegal ang website na nagkocover sa pasabong nila dahil dapat na may pananagutan din sila sa pagpayag na mag-cover at ipalabas sa internet ang kanilang pasabong upang mapagsugalan.”
Kabilang din sa mga sinasabi na maaaring makasuhan dahil sa paglabag sa Republic Act 10175 o Anti-Cybercrime Law ang sabong-online betting websites nawww.sabongpinaslive.com; www.sabongworld.net; www.sabongglobal.com; www.sabongprince.com; www.sabongtayo.com; www.sabongiloilo.com; www.sabongpoint.com; www.sabongkabayan.com; www.sabongbig5.com; www.sabongnow.com ;www.sabongN.com; www.sabongtambayan.com; www.sabongquezon.com; www.marangalsabungero.com/; www.sultadahan.com; www.sultadahan2.com/; www.sabongcavite.com; www.kakaruksabong.com; www.sabongw.com; www.sabongarena.net; .www.e-sultada.com.ph; www.sabongbatangas.com; www.sabong5.com; www.sabongqueenlive.com
Nagpapadala umano ng pera ang mga player mula sa ibang bansa, inilo-load ito sa kanilang mga account at makapupusta na sila kalaban ang iba pang mga online player.