Grupong kontra sa pagmimina mag-aalsa na sa Zambales
Ariel Dim Borlongan
October 31, 2015
Opinion
MASYADO nang manhid sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon Paje Jr., Mines and Geosciences Bureau (MGB) Director Leo Jasareno, Governor Hermogenes Ebdane at iba pang lokal na opisyal ng Zambales sa kalagayan ng mga mamamayan sa bayan ng Sta. Cruz na labis nagdusa sa pagbayo ng bagyong “Lando” kamakailan.
Ngunit sa halip na ipatigil ang pagmimina ng nickel mula sa kabundukan ng nasabing bayan, ipinagtanggol pa ni Jasareno ang mga kompanyang nagmimina sa Sta. Cruz sa pahayag sa media na natural lamang na bumagsak mula sa kabundukan ang pulang putik dahil mapula ang lupa sa lugar.
Pero tutok ang grupong Concerned Citizens of Sta. Cruz (CCOS) sa pangunguna ni Dr. Benito Molino na naidokumento kung paano bumigay ang mahigit pitong settling ponds ng mga minahan partikular ang Benguet Corporation Nickel Mines Inc. (BNMI) na pinahintulutan ng tambalang Paje-Jasareno na muling makapagmina sa Sta. Cruz. Kaya nagbanta na ng pag-aalsa ang CCOS at kung ano man ang gagamitin nilang paraan para mapigilan ang paggahasa sa kanilang kapaligiran, walang dapat sisihin kundi mismong sina Paje at Jasareno.
Narito ang liham ni Dr. Molino kay Jasareno:
“Bumigay ang pito o higit pang settling ponds ng mga minahan; pito katao ang namatay; daang bahay ang inanod; 16 barangay ang tinabunan ng pulang putik o nickel laterite; inilubog sa nickel ang libo-libong ektarya ng palayan; muling lumubog sa pulang putik ang lahat ng ekta-ektaryang palaisdaan; inanod ang mga punong ilegal na pinutol sa kabundukan sa baybay dagat at mga ilog mula sa minahan; libo-libong hayop ang inanod; nalason ng nickel ang mga isda at iba pang lamang-dagat sa mga bahura; at nagdasal ang buong bayan sa takot na oras na ng kanilang kamatayan. Pero isang linggo pa lamang ang nagdaan, hindi pa nakababangon ang nalugmok na mamamayan, balik ang hauling ope-ration ng BNMI.
“Naidokumento ng inyong mga imbestigador ang apat na settling ponds ng BNMI na kanilang pinuntahan, lahat ay bumigay, bakit hindi ninyo ibinalik ang suspensiyon? Bakit ninyo pinahintulutan ang muli nilang operasyon?
“Nasaan ang sinasabi ninyong kayo ay para sa mamamayan at kapaligiran?
“Tulad din ba kayo ng mga lokal na lider ng Zambales na mga protektor ng mapanirang pagmimina?
“Ilang buhay ba ang kailangan naming ialay para ipahinto ninyo ang pagmimina sa aming ba-yan?
“Baka naman hahayaan na lamang ninyong magpatuloy ang pagmimina at taong bayan na ang lumaban para ito mapahinto?
“Sinabi na naming dumanak na ang dugo ng aming kabundukan, ayaw naming dumanak ang dugo ng aming mamamayan. Pero kung ang mismong pamahalaan na nilikha ng mamamayan para sa kanilang kagalingan ay hindi kikilos para pangalagaan ang kanilang karapatan at kapakanan, wala sanang dadanak na dugo sa aking bayan.
“Kung wala pang gagawing aksyon ang inyong ahensiya ngayon para mapatigil ang pagmimina sa aming bayan, itinakda na namin ang Pag-aalsa ng Bayan laban sa mga perhuwisyong minahan at kurap na mga lider ng bayan pagkalipas ng Undas, Nov. 2 ang simula ng pag-aalsa ng bayan.
“Uulitin namin, ayaw naming dumanak ang dugo ng aming mamamayan. Wala sanang dumanak na dugo sa aming bayan.”
Masyadong makapal ang mukha nina Paje at Jasareno para payagan ang patuloy na pagmimina sa Sta. Cruz, Zambales kahit batid na maraming napeperhuwisyong mamamayan. Puwede na silang kasuhan ng plunder sa pagpayag na wasakin ng mga kompanyang dummy lamang ng China ang Zambales. Dapat na ring matauhan ang mga taga-Zambales sa pagboto nila sa dating pulis na si Ebdane na namunini noong panahon ni dating pangulong GMA at na-tsismis na sangkot din sa pandaraya sa halalan. Kahit itanong pa nila kay Garci…