HINDI sa planeta Tattooine masisilayan ang ‘coolest’ Star Wars creation simula nang Sarlacc at hindi rin ito makikita sa bagong desert planet na Jakku, kundi sa maliit na lungsod sa Japan na Tottori.
Kamakailan, nilikha ng Japanese sand artist na si Katsuhiko Chaen ang ‘ginormous’ sculpture ng The Force Awakens sa parking lot ng sikat na mga sand dune ng Tottori—matatagpuan sa western coast ng Japan. Dito dinaig ni Chaen ang kanyang sarili sa kabila na siya rin ang lumikha ng sand museum ng nasabing lungsod: Ang eskultura, na ginawa mula sa 160 tonelada ng buhangin, ay tunay na napakalawak at laki sa taas nitong 11.15 talampakan, habang 22.4 metro, at lapad na 13.78 metro.
Sa pagpapasinaya ng The Force Awakens sand sculpture, napabilang din sa seremonyas ang First Order Storm Troopers.
At mas impresibo rin ang inukit sa bawat imahe na ginawa ni Chaen. Pinaka-prominente ang paboritong mga droids na sina C-3PO at R2-D2, na sadyang idinetalye hanggang sa mga kawad at daluyan ng hangin. Naroon din si BB-8, na buhay na buhay.
Makikita rin ang ilan sa mga iconic na sasakyang ginamit sa pelikula, kabilang na ang mga X-Wing, TIE fighter at ang Millennium Falcon. Habang ito ay inaasahang madaling mabuwag dahil ginawa sa buhangin, ang plano ay panatilihin ito hanggang sa pagtatapos ng Disyembre para sumabay sa latest edition ng popular na sci-fi franchise series na The Force Awakens, na magbubukas sa Disyembre 18.
Ni Tracy Cabrera