Taga-Gapo, ‘kinoryente’ ni Paulino sa utang sa PSALM
Ariel Dim Borlongan
October 16, 2015
Opinion
PATULOY si Mayor Rolen Paulino sa panlilinlang sa mga mamamayan ng Olongapo City kaugnay ng pagkakautang sa koryente ng lungsod na umaabot sa bilyon-bilyong piso.
Pinalabas ni Paulino na nailigtas niya ang Olongapo na putulan ng koryente ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) sa pagbabayad ng 30 milyon noong 2013 sa kabuuang utang na P4 bilyon ng lungsod.
Pinalitaw rin ni Paulino na nakabayad ang kanyang administrasyon ng P200 milyon sa PSALM nitong nakaraang dalawang taon at nabawasan ang utang ng Olongapo mula P5.1B na P4.8B na lamang ngayon.
Ngunit pinabulaanan mismo ng PSALM ang mga ipinakakalat na kasinungalingan ni Paulino at sinabing nadagdagan pa ang utang ng lungsod sa ilalim ng kanyang termino ng kalahating bilyong piso.
Ayon sa pahayag ng PSALM: “When former Olongapo mayor James “Bong” Gordon Jr., left City Hall in June 2013, the power debt stood at P4.5 billion inclusive of interest charges in accordance with PSALM’s credit and collection policy. But in the two years of Paulino’s administration, the debt was now at P4.98 billion mainly attributed to interest charges imposed on outstanding amount.”
Nilinaw din ng PSALM na P30 milyon lamang pag-upo bilang alkalde ang tanging binayaran ni Paulino at walang kasunduan ang PSALM sa Paulino administration kaugnay ng pagbabayad ng utang kaya nagpadala ang power grid firm ng restructuring terms sa alkalde pero wala pa rin sagot para maaaprubahan ng PSALM Board.
Sinabi ni Gordon na laging nagsisinungaling si Paulino para sirain ang kanyang reputasyon kaysa gumawa nang mabuti para sa Olongapo kaya nagpapasalamat siya sa PSALM sa pagbubunyag ng katotohanan.
Kung may restructuring agreement nga naman ang PSALM at ang Paulino administration, dapat itong ipabatid sa publiko dahil apektado ang lahat ng mamamayan sa malaking utang sa koryente kaya puwedeng mag-blackout ano mang oras.
Dinismis kamakailan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang kasong isinampa ni Paulino laban kay Gordon kaugnay ng pribatisasyon ng Public Utilities Department (PUD) ng lungsod.
Gamit na gamit ni Paulino ang malaking utang sa PSALM at pribatisasyon ng PUD sa kampanyahan noong 2013 kaya nanalo bilang alkalde ng lungsod. Noong 2014, kinasuhan niya sa Office of the Ombudsman si Gordon ng malversation of public funds at paglabag sa Section 3 (a) at (e) ng Republic Act No. 3019 sa pagbebenta sa PUD.
Ngunit nitong 2015, nagdesisyon si Ombudsman Morales na hindi nakapinsala ang pagbebenta ni Gordon sa PUD sa Olongapo Electricity Development Corporation, Inc. (OEDC) kundi nakapagbigay ng malaking pakinabang sa lungsod.
Kaya takang-taka ngayon ang mga residente ng Olongapo dahil gamit na gamit ng administrasyon ni Paulino ang malaking utang sa PSALM para makakolekta ng bayad sa mga residente at kondisyon rin ang pagbabayad sa mga establisimyentong may utang sa PUD para maisyuhan ng iba’t ibang permits.
Nanggagalaiti sila kung bakit patuloy na ginagamit ni Paulino ang pagbabayad sa sinasabing utang sa PUD na kontrolado na ng OEDC at nagtatanong sila kung saan napupunta ang kanilang pera kung hindi nagbabayad ang lungsod sa PSALM.
Malinaw na ‘kinoryente’ ni Paulino ang taga-Olongapo sa paggamit sa isyu ng PUD para manalo sa halalan noong 2013. Kung patuloy na gagamitin ni Paulino ang isyu sa nalalapit na halalan, maikokomparang isinalang nila sa silya elektrika ang alkalde kung ibabasura nila sa balota sa 2016.