UNANG araw ni Heidi sa bago niyang eskuwela at para siyang isdang inalis sa tubig. Ito’y dahil sa pag-aaralan ng dalaga kung paano maging isang sirena—tumpak, yaong nilalang sa dagat na ang kalahati ay tao at isda.
Nag-enrol si Heidi sa kauna-unahang Mermaid Course sa United Kingdom, na pinangangasiwaan ng Newquay-based na mga diving specialist na Freedive UK.
Ang school ay idinisenyo para magturo kung paano lulusong sa tubig na parang isda, ayon sa website nito.
Naging popular ang mga sirena simula nang isulat ni Hans Christian Andersen ang kuwento na The Little Mermaid noong 1836, at noong 1960s, nakita ang kasikatan ng Weeki Wachee Springs Mermaids, na hanggang ngayon ay nagtatanghal para sa mga turista.
Ngayon, binaha ang social media sa sinasabing mga ‘real-life’ na sirena, tulad ni Mermaid Melissa, ang bukod tanging legally-named na mermaid sa mundo, na may 123K Instagram follower at 540K na Facebook likes.
Maaaring kumita ng £800 pounds (mahigit P57k) ang propesyonal na sirena para magtanghal saan man mula sa mga pool party hanggang aquarium na puno ng mga isda at pating.
Ang fundador ng Eng-lish Mermaids na si Lily-Rose Shepherd, 21, ay nagtrabaho bilang sirena simula noong 2012 at suot niya ang kanyang 15-kilong buntot na nagkakahalaga ng £3,000 (mahigit Php217k) hanggang pitong oras bawat performance.
Ani Shepherd: “Nang magsimula ako, kakaunti lang ang Mers sa UK, ngayon ay marami na at lumalago ang bilang.
“Hindi lang ito tungkol sa pagsusuot ng buntot, mauupo sa bato sa gitna ng tubig at ngumiti sa mga nanonood sa iyo. Mahirap na trabaho ito, pero talaga namang rewarding.”
ni Tracy Cabrera