Puganteng Koreano Natakasan Si Mison (Wanted sa human trafficking at extortion)
Jerry Yap
October 1, 2015
News
LABING-WALONG araw matapos ipasa ng Cavite police sa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) ang Korean fugitive na naaresto sa Silang, Cavite noong Agosto 7 sa kasong human trafficking at robbery extortion sa Seoul Korea, tumakas ang akusado sa Bicutan detention cell kahapon.
Kinilala ang puganteng Koreano na si Cho Seong Dae, 50 anyos, tubong Suulil Gangu, Samsungded P-1, Seoul, Korea.
Inilipat si Cho sa pangangalaga ng BI, dahil itinuturing na siyang “high risk fugitive” sa kanilang bansa at nakatakdang kaunin ng Korean Embassy.
Ngunit malaking palaisipan ngayon sa pulisya at iba pang law enforcement agency sa bansa kung bakit nakatakas si Cho sa Bicutan gayong napakahigpit ng seguridad dito.
Sa ulat, nabatid na kasama pa sa head count ang nasabing Koreano noong umaga ngunit dakong 1:30 pm ay bigla na lamang naglaho.
Si Cho, pusakal na pugante sa Seoul Korea ay unang nadakip sa Silang Cavite noong Agosto 7. Kasong human trafficking at extortion ang kinakaharap ng pugante at pinaniniwalaang kasabwat ang dating pulis na si Ricky Sese, ayon sa Korean Embassy.
Sa records sa tanggapan ni Cavite Police Director S/Supt. Eliseo Cruz, isang Doyeon Lee na tubong Suulil Gangu, Samsungded P-1, Seoul, Korea, ang dinakip dahil sa kaparehong kaso.
Ngunit nang beripikahin, natuklasan na siya ang tunay na si Cho Seong Dae. Kinompirma ni Kim Dae Hee, Korean Embassy Consulate/Police Attaché, sa isinagawang koordinasyon kay Banni Pertillo, Korean Embassy personnel, na iisang tao nga ang suspek na si Doyeon Lee at Cho Seong Dae.
Bago nakatakas sa poder ng Immigration na pinamumunuan ni Commissioner Siegfred Mison, nahuli sa entrapment operation ang akusado matapos tangkaing kikilan ng P5 milyon ang tatlong Korean national, na binigyan ng mga babae.
Ngunit sa huli, gumawa ng senaryo ang grupo ni Cho, na menor-de-edad umano ang mga babae, at upang hindi makasuhan ay hinihingian ng P5 milyon ang mga biktima kasabwat umano si Sese.