UMUUSOK na bakbakan ang inaasahan sa sagupaan sa pagitan ng National University (NU) Bulldogs at Ateneo Lady Eagles sa ikatlong paghaharap ng dalawang koponan sa Shakey’s V-League women’s volleyball championships sa Linggo, Oktubre 4, 2015.
Handang-handa umano ang Bulldogs para sungkitin ang kampeonato, pahayag ni NU coach Roger Gorayeb sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate, na dinaluhan din nina Ateneo coach Barley Tupas at Ricky Palou.
“Siyempre gusto rin naming mag-champion kaya gagawin namin ang lahat para talunin naming ang Lady Eagles,” punto ni Gorayeb.
Inamin din naman ng Bulldogs coach na kahit lamang ang kanyang koponan sa aspeto ng height advantage, hindi rin umano maikakaila na malaking factor din ang pambato ng Ateneo na si Alyssa Valdez dahil sa kakayanan nitong buhayin ang kanyang team para maglaro ng todo.
“May dalawa kaming malalaking player pero hindi sapat ito dahil kailangan din naming ng receiver para makalaban ng husto,” ani Gorayeb.
“Pero hindi lang naman dito nakabatay ang pagpanalko . . . sa totality ng laban, mahalagang may concerted effort para magwagi sa kalaban,” dagdag pa nito.
Ayon naman kay Tupas, kahit mas malawak ang kaalaman at karanasan ang coach ng Bulldogs, na kung kanino’y naging assistant coach siya sa nakalipas ng hawak pa ni Gorayeb ang Ateneo, gagawin niya ang lahat para manalo ang kanyang koponan.
“Hindi matatawaran ang kakayahan ni coach (Gorayeb) pero may mga stratehiya din naman ako na sa tingin ko ay kayang magdala sa Ateneo para mapanalunan ang kampeonato,” aniya.
ni Tracy Cabrera