LIMBAN, Laguna – Umaabot sa P60,000 halaga ng shabu at iba’t ibang uri ng matatas na kalibre ng baril ang nakompiska mula sa apat miyembro ng Papera-Rana drug group sa isinagawang drug-bust operation ng Intel Operatives ng PNP sa Bgy. Lewin, Lumban, Laguna, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Senior Inspector Richard Corpuz, hepe ng Lumban Police, ang mga suspek na sina Jensen Allen Lacbay, 29, ng Maytalang 1, Lumban; Omar Gatdula Bernardino, 26, ng Palasan, Sta. Cruz; Rommel Regado Baltera, 37, ng Concepcion Pila, at Monica Villanueva Muto, 24, pawang ng lalawigan ng Laguna.
Ayon kay Senior Insp. Corpuz, si Lacbay, ay sa rank number 5 sa drug watch list ng bayan ng Lumban.
Base sa report na ipinadala kay Laguna Acting Provincial Director, Senior Supt. Florendo Saligao, kabilang sa mga nakompiska mula sa mga suspek ang 25 gramo ng shabu, isang caliber .45 pistol, isang caliber .38 revolver, isang converted rifle at limang cellular phones.
Dakong 3:30 p.m. sa buy-bust operation ang pulisya sa pangunguna ni PO3 Dustin DC Gomez at limang kasamahan, ay nasabat ang mga suspek habang iniaabot ang droga sa isang poseur buyer.
Nakapiit na sa Lumban Municipal Jail ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Section 5,11 at 26 ng Article 11 ng RA 9165 gayondin sa kasong paglabag sa RA 10591.
Samantala, ang isasailalim sa drug examination ang kompiskadong shabu sa Laguna PNP Crime Lab.
Boy Palatino