Roxas iniwanan si Binay sa SWS Poll
Rose Novenario
September 22, 2015
News
PUMAILANLANG sa pangalawang puwesto si Mar Roxas, pambato ng Aquino administration, sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa mula Setyembre 2 hanggang Setyembre 6.
May sample size na 1,200 respondents ang survey at may margin of error na 3% ang mga resulta sa national at 6% sa mga lokal na area. Lumalabas na umakyat mula 21% ang rating ni Roxas sa 39% at tinalunan ang 35% na rating ni Vice President Jejomar Binay.
Si Roxas ang lumalabas na big winner sa survey na ito, sa pag-akyat ng mahigit 18% sa loob lamang ng dalawang buwan mula nang inendorso siya ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino.
Nanatili naman sa unang puwesto si Senador Grace Poe na nakakuha ng 47%, limang porsiyento (5%) lamang ang iniakyat mula sa dati niyang katayuan sa 42%.
Nasa pang-apat na puwesto naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na nakakuha ng 16%. Bumaba rin mula sa dati niyang rating na 20%, bago pa nagdeklara si Duterte na pinal na ang kanyang desisyon na hindi siya tatakbo sa panguluhan sa 2016.
Angat ni Roxas sa survey ikinatuwa ng palasyo
NATUWA ang Malacañang sa pag-angat ni administration presidential bet Mar Roxas sa resulta ng pinakahuling presidential survey ng Social Weather Station (SWS).
Sa nasabing SWS survey, nakakuha si Senator Grace Poe ng rating na 47, si Roxas ay pumangalawa sa rating na 39 at si Vice President Jejomar Binay ay may rating na 35.
“Ang pagtaas sa dami ng bumanggit ng preference kay Sec. Roxas ay repleksyon nang iba-yong pagtitiwala ng mga mamamayan sa kanyang kakayahang mamuno sa bansa pagkatapos siyang endorsohin ni Pangulong Aquino bilang LP standard bearer,” ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr.