Mag-asawang magsasaka itinumba sa Bulacan
Hataw
September 22, 2015
News
PATAY ang mag-asawang magsasaka makaraang pagbabarilin ng riding in tandem nitong Sabado sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ang mag-asawang sina Roger Vargas, 65, at Lucila Vargas, 60, ay lulan ng tricycle patungo sa Grotto market sa Brgy. Tungkong Mangga para itinda ang inani nilang mga gulay nang sundan sila isang motorsiklo at sila ay pinagbabaril sa Igay Road, Purok 4, sa Paradise 3 village.
Si Roger ay tinamaan ng bala sa ulo habang si Lucila ay tinamaan ng tatlong bala sa katwan. Masuwerteng hindi tinamaan ang driver ng tricycle ngunit siya ay na-trauma, ayon sa ulat ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Sina Roger at Lucila ay mga lider ng Nagkakaisang Magsasaka sa San Isidro (NAGKAISA) at aktibong miyembro ng Alyansa ng Magbubukid ng Bulakan – San Jose Del Monte.
Kinondena ni KMP Secretary General Antonio Flores ang pagpaslang at nanawagan sa mga awtoridad na agad imbestigahan ang insidente upang mapanagot ang mga salarin.
“Their brutal killing is obviously linked to their just and legitimate struggle to own the land they till,” pahayag ni Flores.
Tinukoy ng KMP na umaga nitong Setyembre 18, ang mag-asawa ay nagkaroon ng pakikipagtalo sa mga security guard na nagpakilalang mga empleyado ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson na nagsasabing siya ang may-ari sa pinag-aagawang 11-hectare agricultural land sa San Isidro village, San Jose Del Monte.
Bago magtanghali ng nasabing araw, napansin ng mga residente ang mga suspek na nakasuot ng motorcycle helmet at naghihintay malapit sa lokasyon kung saan naka-istasyon ang mga security guard.
Ayon kay Flores, naganap ang insidente habang ang mga sundalo ng “peace and development teams” ng 48th Infantry Battalion ay nag-o-operate sa Paradise 3 village.
“The presence of the military’s ‘peace and development teams’ in the community bolstered the culture of impunity and even emboldened the perpetrators who killed the farmer-couple,” pahayag ni Flores.
“Their death is also a result of the Aquino government’s counter-insurgency plan Oplan Bayanihan that approves and tolerates the use of private armed groups as force multiplier,” dagdag ni Flores.
(Bulatlat.com)