Atenista, utak ng AlphaNetworld pyramiding scam?
Ariel Dim Borlongan
September 18, 2015
Opinion
Lintik din ang raket ng Atenistang si Juluis Allan G. Nolasco, presidente at chief executive officer ng AlphaNetworld Corporation. Laway lamang ang puhunan niya at daan-daang katao na ang nagoyo sa pagbebenta ng pioneering share sa kanyang kompanya na wala namang produkto.
Inireklamo si Nolasco ng pyramiding scam ng isa sa kanyang mga nabiktima na si Emmanuel Estrella pero hindi siya sumipot sa tanggapan ni National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Fraud Division chief Atty. Dante Jacinto nitong Setyembre 1 at 8 at umasta pa sa social media na iniismol ang mga subpoena ng NBI.
Ang siste, muling nagbabala si Atty. Jacinto sa mga posible pang mabiktima ng opisyales ng AlphaNetworld. Bukod kasi kay Juluis Allan Nolasco, aktibo rin sa pagre-recruit sina Josarah Nolasco, June Paolo Nolasco, Lazarus David, Emily Ann Bacolod, Pierre Jasper Bacolod, Jennet Gorospe, Ma. Jacyn Tecson at Arthur Macogay Jr., na gamit na gamit ang kanilang FB accounts upang makaengganyo ng mga mare-recruit na pinagpapasok ng pera sa kanilang bank accounts kapalit ng pangakong doble-dobleng tubo.
Ipinangalandakan sa social media nina Nolasco at Macogay na kasuhan na lamang sila ng NBI at ipinagpilitang legal ang kanilang kompanya na nakabase sa 6th floor ng Beldevere Tower, San Miguel Ave., Ortigas, Pasig City.
Ayon kay Estrella, bawat pioneering share ng AlphaNetworld ay nagkakahalaga ng P12,800 at naengganyo siya dahil may alok na health products. Ngunit walang ibinigay na produkto sa kanya ang kompanya at hindi na niya mabawi ang kanyang pera dahil pinalagda siya sa waiver at quitclaim.
Nagreklamo rin si Jane Disierto na nagsabing pinagtawanan lamang nina Nolasco at Macogay ang NBI sabay sabi sa mga nagreklamo na “maghabol na lamang kay Batman.”
Sabi nga ni Disierto: “Taktika nila na ipakikita sa FB ang bank slips na may naghulog ng milyon-milyong piso sa kanilang pioneering packages at nagpapakita rin ng makakapal na pera kaya marami silang nakokombinseng sumosyo gayong wala silang ibinibigay na produkto.”
Sino ba naman ang hindi magogoyo ni Nolasco?
Naka-post kasi sa kanyang FB account ang mga pag-aari niyang sasakyang Lamborghini at Ferrari kaya maraming naloloko partikular sa sinosonang iba’t ibang barangay sa Filipinas at overseas Filipino workers.
Abangan na lamang natin kapag tinotoo ng NBI na kasuhan ang pyramiding scam ng grupo ni Nolasco sa AlphaNetworld, Mababatid natin kung sino ang magtatanong kay Batman. Tsk. Tsk. Tsk…