Banta ni Alunan (Ipasa o hindi man sa Kongreso, BBL maghahasik ng kaguluhan)
Hataw
September 14, 2015
News
KOMBINSIDO si dating Interior and Local Government Secretary Rafael Alunan III na pag-uugatan pa rin ng kaguluhan at destabilisasyon ng bansa ang pagsasabatas ng kontrobersiyal na Bangsamoro Basic Law (BBL).
“Ang hindi lang maintindihan, kung bakit ba ipinipilit pa ng gobyerno na makipag-usap sa maliit na paksiyon ng MILF na ang mga Muslim mismo ay nagsasabi na hindi kumakatawan sa kanila. Kaya’t ang nalaman ko roon kung ipasa man ang BBL ay may mag-aalsa dahil tutol sila.
“Kung hindi ipapasa ang BBL, mag-aalsa naman ang MILF kaya sa palagay ko, ipasa man iyan o hindi ay magkakagulo,” diin ni Alunan sa panayam ng Radyo Bombo Kalibo.
Iginiit ng dating miyembro ng Gabinete ng dalawang dating pangulo na sina Corazon Aquino at Fidel V. Ramos na malabong ipasa ang nasabing kuwestiyonableng panukala sa dalawang mahalagang sangay ng pamahalaan – ang lehislatura at hudikatura.
“Sa tingin ko hindi papasa ang BBL sa lehislatura at sa Supreme Court dahil iyong mga tao roon sa Mindanao, ang mga kasama natin, sila mismo ay tumatanggi, Kristiyano man o Muslim. Pumunta ako kamakailan sa North Cotabato para malaman ko mismo kung ano ang sentimyento ng mga tao roon at inikot ko ang probinsiya. Ang nalaman ko roon sa mga residente ay ayaw talaga nila ng BBL dahil hindi naman sila kinonsulta ng gobyerno. Hindi naman tama iyong sabi ng gobyerno na kinonsulta sila. Pati mismong miyembro ng MILF, nag-aaway-away dahil maraming hindi rin isinama sa konsultayon kaya masama ang loob nila,” ani Alunan.
Ipinabatid din ni Alunan ang natuklasan niya sa pag-iikot sa Mindanao kaugnay sa tunay na layunin sa likod ng BBL.
“Sa mga islang probinsiya ng Sulu, Basilan at Tawi-Tawi, lalo na iyong mga Tausog, tutol sila at hindi rin komporme sa BBL dahil ang tingin nila, ang punto ng hinaharap, mawawala ang Sabah. Kalilimutan na lang iyon dahil ang nasa likod ng MILF, itong maliit na paksiyon na kausap ng gobyerno ay sinusuportahan ng Malaysia. Alam naman natin na ang Malaysia sa nakalipas na 40 taon ay sinusuportahan ang MILF para magsarili. Kaya napakakomplikado ng sitwasyon,” dagdag ni Alunan.