MAS maagang dumating si Ms Susan Roces kaysa cast ng Doble Kara sa ginanap na press preview ng pinakabagong panghapong serye ng ABS-CBN na pinagbibidahan ni Julia Montes.
‘Di man kasama sa nasabing panoorin ay naroon ito dahil magkasama sila ni Julia sa grupo ni Deo Endrinal at para na rin silang iisang pamilya.
Aniya, “Magkasama kami nina Julia at Coco (Martin) sa ‘Walang Hanggan’ at nagkasama uli kami uli sa ‘Muling Buksan Ang Puso’ and we belong to the Deo Endrinal group, we treat each other like a family, we support each other.
“Among the youngstars na nakasama ko, Julia and Coco went out of their way, siguro pareho ang mga gawi namin, same human interest. They remind us from our generation, nakaka-relate kami sa kanila.”
And speaking of Coco Martin, inamin ng Reyna ng Pelikulang Filipino na lahat ng kanyang mga eksena sa Ang Probinsyano ay kasama si Coco. Kaya, nakaroon siya ng panahon para mabigyan ito ng mga suggestion at pointers na hindi kailangang gayahin ang mga mannerism ni FPJ. Bagkus, gawin na lang itong inspirasyon.
“Wala namang mababago, mas mapapaganda pa nga. Hindi naman siya si FPJ at ang sabi ko kay Coco, hindi niya kailangang gayahin si FPJ.
“Like when FPJ did ‘Epimaco Velasco’, hindi naman niya ginaya si Epimaco.
“Lola ako ni Coco. My role was not in the original story, dagdag ‘yun. Itong version ng ‘Probinsyano’ is inspired by the original.”
Ayon sa kanya, pinayuhan niya si Coco na kumuha ng mga pointer sa mga pelikula ng Hari para hindi iisang akting ang napapanood sa kanya.
“Para maiba naman ‘yung gagawin niya hindi ‘yung love story o ‘yung away-away, ‘yung ganoon.”
STARNEWS UPLOAD – Alex Datu