DOTC makialam
Hataw
September 2, 2015
News
NANAWAGAN ng tulong ang National Coalition of Filipino Consumers (NCFC) sa pamamagitan ng abogado at tagapagsalita na si Atty. Oliver San Antonio sa mabilisang panghihimasok ng matataas na opisyal ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at sa administrasyong Aquino hinggil sa maanomalyang renewal ng maintenance contract para sa LRT Line 2 kasabay ng pahayag na agarang aksyon ang kailangan upang pigilan ang paglabag sa batas at pangalagaan ang kaligtasan ng mga komyuter.
Nagsampa ng reklamong graft at hablang administratibo ang NCFC noong Hulyo laban sa mga kasapi ng Light Rail Transit Authority-Bids and Awards Committee (LRTA-BAC) dahil sa hindi makatuwirang pagkiling sa Fil-Korean joint venture na BUSAN-EDC sa kabila ng paglabag sa mga panuntunan.
Napag-alaman sa internal report ng LRTA Technical Working Group, ang mga alok sa isinumiteng bid ng BUSAN-EDC ay hindi angkop sa pangangailangan o technical specifications ng tren na bumibiyahe sa rutang Santolan-Recto.
“Unang-una, mahigit 120 araw mula nang buksan ang mga bids ngunit hanggang ngayon, wala pa rin iginagawad na kontrata. Ito ay isang malinaw na paglabag sa mga itinatadhana ng Government Procurement Act.”
“Pangalawa, biniberipika namin ngayon ang balitang ibinigay sa amin ng mapapagkakatiwalaang source na ang appointment ng mga kasapi sa LRTA BAC ay hindi ini-renew. Kung ito ay mapapatunayang totoo, malaki ang implikasyon nito sa legalidad at ‘validity’ ng kahit na anong hakbang na isinagawa ng BAC, noon man o sa hinaharap,” ani San Antonio.
“Ang mga bagay na ito, kapag pinagsama, ay nangangailangan ng agarang pakikialam ng mga nakatataas,” giit ng abogado ng NCFC.
“Ibinunyag na namin ang mga isyung legal at usapin sa kaligtasan hinggil sa kontratang ito sa pamamagitan ng isinampang reklamo sa Ombudsman at sa aming mga pahayag noon. Sa lebel ng polisiya, walang nangyayari magpahanggang-ngayon. Kung tunay na seryoso ang gobyernong PNoy sa usapin ng transportasyon, ito na ang panahong magsagawa ng karampatang aksyon.
Lumiham na rin umano ang NCFC sa Senado, sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at sa Department of Justice upang humiling ng angkop na pagsisiyasat o imbestigasyon mula sa kaukulang ahensiya ng pamahalaan.
“Hindi natin nakikita kung saan papunta ang ‘Daang Matuwid’ dahil sa bigat ng trapik, sira-sira na ang mga tren, at pinagpipiyestahan ng mga tiwaling opisyal sa DOTC at LRTA ang mga kontrata para lutuin ang mga ito. Nakapagtataka kung bakit panay ang gamit ng gobyerno ng salawikain na ‘daang matuwid’ upang ilarawan ang mga hakbang nito samantalang giba-giba ang sektor ng transportasyon ng bansa. Ang hamong ito ay inaatang namin sa balikat ng Pangulo upang gawan ng paraan ang problemang ito,” pagtatapos ni San Antonio.