Roxas, De Lima nanindigan sa batas
Hataw
August 31, 2015
News
PUMANIG sa Iglesia ni Cristo ang maraming politiko dahil na rin sa pambabatikos ng netizens sa ginagawang pagkilos ng INC.
Nagsimula ang pagkilos nang magprotesta ang mga miyembro ng INC sa Padre Faura sa harap ng Department of Justice (DoJ) nitong nagdaang Huwebes.
Kinabukasan, Biyernes, ay lumipat sila sa panulukan ng EDSA at Shaw Boulevard na naging sanhi ng mas matinding trapik, hindi lamang sa EDSA kundi hanggang C5 at iba pang kanugnog na lugar.
Pinipilit ng INC ang pamahalaang Aquino na patalsikin sa puwesto si Justice Secretary Leila de Lima dahil sa sinasabing pagkiling laban sa INC.
Nagsimula ang lahat nang si Isaias Samson, isang itiniwalag na ministro ng INC, ay nagsampa ng kaso laban sa mga kapwa niya ministro para sa kasong “illegal detention.”
Wala pang aksyon ang DOJ sa reklamong ito.
“Para sa akin, ang mga tao na ‘yan, dinedepensahan nila ang kanilang paniniwala… magtataka ka rin, bakit ang tutok doon,” sabi ni Senadora Grace Poe.
“Dapat ieksplika niya sa taong bayan kung anong merits ng case. Pero alam mo, huwag rin natin maliitin ang importansiya ng relihiyon.”
Ganito rin ang posisyon ni Vice President Jejomar Binay tungkol sa isyu. “We cannot fault the INC for resorting to mass action to protect the independence of their church from a clear act of harassment and interference from the administration.”
Nanindigan si De Lima na ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho at hindi puwedeng balewalain ng DOJ ang reklamo na hindi nasusunod ang proseso ng batas.
Sinabi ni Senador Francis “Chiz” Escudero na maituturing na problema ng pamilya Manalo ng INC ang isyu at hindi dapat pakialaman ng estado.
Sinuportahan din ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos ang protesta ng INC. “The INC certainly has the right to stage a peaceful mass action to express their sentiments in defense of their faith.”
Nanindigan ang pamahalaan na hindi dapat magkaroon ng pinsala sa ibang mamamayan ang ginagawang protesta ng INC.
Ipinaalala ni DILG Secretary Mar Roxas, “let us remember that ours is a Rule of Law and not of men” habang nagbigay siya ng kasiguruhang gagalaw ang gobyerno para hindi na maulit ang matinding trapik na naranasan nitong Biyernes.
Ang pahayag nina De Lima at Roxas ay pinuri sa social media ng nakararami at binatikos ang mga politiko na umayon sa ginawa ng INC sa “pangha-harass” sa DoJ.
Ayon sa netizens, “No one is above the law of the land. Ginagawa lamang nina Roxas at De Lima ang kanilang trabaho. Hindi naman anila ang relihiyon ng INC ang iniimbestigahan kundi ang ilang opisyal nito na kinasuhan ng kapwa opisyal.”