MINALIIT ng Palasyo ang ilulunsad na “No Remittance Day” ng grupong Migrante bilang protesta sa pagtatakda ng gobyerno ng P600-milyong revenue sa balikbayan boxes.
Iginiit ng Migrante na hindi dapat ituring ng gobyerno na “milking cow” ang overseas Filipino workers (OFWs).
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., walang dapat ikabahala sa “No Remittance Day” dahil dati na itong ginawa sa kasagsagan ng pork barrel scam issue ngunit walang naiulat na masamang epekto.
“Ang dating naging karanasan diyan ay noon pang 2013, noong kasagsagan ng isyu ng PDAF (Priority Development Assistance Fund) o pork barrel, at noon naman ay walang naiulat na masamang epekto. Kaya kung ‘yon ang pagbabatayan ay tila wala naman tayong dapat ikabahala hinggil dito,” ani Coloma.
Isang araw lang naman aniyang maaantala ang pagpapadala ng remittance ng OFW sa kanilang pamilya at hindi naman habambuhay.
“Kaya sa kanilang pagpapasya, isasaalang-alang nila na, kung ano man ang pagpapahayag ng kanilang saloobin, kailangan pa rin nilang maiparating ‘yung mga remittance na ‘yon. Maaaring maantala siya ng isang araw pero hindi naman siguro ito nila iniisip na huwag ipadala,” aniya.
Patuloy aniyang kinikilala ng administrasyong Aquino ang mahalagang ambag ng OFWs sa ating ekonomiya, bagaman kailangan din isaalang-alang ang pangangailangang sawatain ang smugglers na nananamantala sa bayan sa paggamit ng balikbayan boxes at sirain ang simbolo nito bilang bunga ng pagpupunyagi ng OFWs na nagsasakripisyong magtrabaho sa ibang bansa para sa kapakanan ng kanilang pamilya.
(ROSE NOVENARIO)