Tuso si Erap
Hataw
August 24, 2015
Opinion
HINDI dapat umasa at magpabola ang mga presidentiables na sina Vice President Jojo Binay, Interior Sec. Mar Roxas at Sen. Grace Poe na may malaking boto silang makukuha sakaling sila ang mapiling iendorso ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa darating na halalan.
Alam ni Erap na umaasa ang tatlong presidential aspirant na isa sa kanila ang kanyang babasbasan sa susunod na mga araw. Paniwala nina Binay, Roxas at Poe, meron pa ring tinatawag na “Erap magic” na makapagdidikta sa mga botante sa araw ng halalan.
Puwes nagkakamali sila. Ang hindi nila alam, isang “kiss of death” o isang kapahamakan ang endorsement na gagawin ngayon ni Erap. Kaakibat ng endorsement ni Erap ay isang sumpa dahil sa patuloy na pahirap na ginagawa niya sa mga Manileño.
Tuso si Erap! Alam kasi niyang naniniwala ang tatlong presidential aspirant na makatutulong ang kanyang endorsement kaya naman hanggang ngayon ay tinatakam-takam niya ang tatlo para makakuha ng “sweet deal” o concession bago pakawalan ang kanyang suporta.
Pero ang lupit ng ginagawa ni Erap sa mahihirap sa Maynila ay maiututuring na sumpa sa sino mang babasbasan niya at tiyak na matatalo sa darating na halalan. At hindi na lingid ito sa kaalaman ng taumbayan maging sa mga probinsiya kung paano pinahihirapan ni Erap ang mga maralita sa Maynila. Nakatakda ang araw ng paghihiganti, at iyan ay sa araw mismo ng eleksiyon.