MAKARARANAS ng water interruption ang mga kostumer ng Maynilad sa malaking bahagi ng Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite ngayong Lunes.
Nakatakda ang water interruption dakong 1 p.m. ngayong araw, Agosto 10, hanggang 10 p.m. sa Huwebes, Agosto 13. Itutuloy dakong 1 p.m. sa Agosto 17 hanggang 3 p.m. sa Agosto 18.
Kabilang sa mga lugar na apektado ng water interruption ay ilang mga barangay sa Caloocan, Maynila, Pasay, Parañaque, Makati, Muntinlupa, Las Piñas, Cavite City, Bacoor City, Imus City, at mga bayan ng Kawit, Rosario at Noveleta sa Cavite.
Ayon kay Grace Laxa, tagapagsalita ng Maynilad Water Services Inc., ang interruption sa kanilang serbisyo ay dahil sa realignment ng kanilang main pipe na apektado ng isang proyekto ng Department of Public Works and Highways sa Tondo, Manila.
Siniguro rin ni Laxa na mayroong 35 water tanks na iikot sa apektadong mga lugar para rasyonan ng tubig ang mga residente roon.
Dagdag ni Laxa, ligtas inomin at gamitin sa pagluluto ang tubig na manggagaling sa iikot na water tanks.
Samantala, umapela si Laxa sa mga residente na maging mahinahon sa pagkuha ng tubig mula sa mga tanker.
“Sana po magkaroon tayo ng kahinahunan. Ngayon pa lang maaga kami nag-a-announce para makapag-ipon tayo nang maaga (ng tubig). Sana po mahinahon tayo kung saan po ‘yung area. Kasi po minsan, sa bukana pa lang daw ng street, hinaharang na ng mga tao. Sana habaan natin ang ating pasensya at kahinahunan,” panawagan ni Laxa.
Magkakaroon ng “window time” ang water interruption sa Agosto 14 hanggang Agosto 16 para makapag-ipon ulit ng tubig ang mga residente.
Pinayuhan din ni Laxa ang mga residente sa posibleng discoloration ng tubig.
“Kung mayroon discoloration ‘yung tubig, o kung mayroon sediments, kung maaari po, ito ay ating i-flush muna. Ilagay muna sa mga timba, pang-iflush muna natin. O kaya lagyan ng katya yung bunganga ng gripo, at ‘yun pong ating nakuha tubig, pwedeng pakuluan muna ng tatlong minuto. Para lang makasiguro tayo lalo na’t may mga bata tayong nasa bahay,” ani Laxa.