MARAMING uri ng sining at isa rito ay kakaiba at kinahihiligan ngayon bagamat itinuturing na bastos o malaswa ng ilang mga art lover.
Naka-exhibit sa Sotheby’s Gallery sa Hong Kong ang sinaunang Chinese erotica art, na koleksiyon ni Ferdinand Bertholet at ehemplo ng mga artwork mula sa Han Dynasty (206 BC-AD 220) hanggang Qing Dynasty (AD 1644-AD 1911) ng Tsina.
Ayon kay Bertholet, pinili niya ang Hong Kong bilang venue para sa exhibit na ‘Gardens of Pleasure: Sex in Ancient China’—at hindi sa mainland China—dahil nangangamba siyang kompiskahin ng mga Chinese authorities ang kanyang koleksyon.
“Ang dahilan dito ay ipinapakita sa gallery ang may pagka-explicit view ng mga sinaunang Chinese. Medyo kakaiba na kapag pinagmasdan mo ang mga painting, makikita nating may pagkabulgar. Makikita n’yo ang hubad na katawan sa bawat detalye nito. Ngunit ang hindi n’yo makikita sa alin mang piyesa ang paa na walang saplot o sapatos. Hindi ginagawa ito,” punto ng kolektor sa pagpapaliwanag ng artwork na may ika-anim na siglong foot binding stool na may kasamang isang pares ng seda at ginintuang ‘lotus’ slippers.
Ani Bertholet, ito ang kagandahan ng Chinese erotica.
Sinabi rin nito na naimpluwensiyahan ng Daoismo (mga turo ng Tao) ang sinaunang Chinese people para ipakita ang kanilang hubad na katawan.
“Alam n’yo, walang mga ‘hangup’ ang Chinese tulad ng mga Kristiyano. Wala silang ‘sin feeling’ pero hindi ito nanga-ngahulugang ang pagka-liberated nila’y buong-buo. Mayroon silang mahalagang aspeto sa kanilang pilosopiya, at iyon ang Daoismo, at sa Daoist philosophy, (ang mga tao) ay maaari lang maging masaya kung may kaalaman sila sa tamang paraan ng pakikipagtalik,” pagtatapos ni Bertholet.
Kinalap ni Tracy Cabrera