MABILIS na tinapos ang laban ni two-time world title challenger Bernabe Concepcion kontra kay Juma Fundi para masungkit ang bakanteng WBO oriental super bantamweight title sa Cuneta Astrodome sa Pasay City nitong Hulyo 31, 2015.
Matapos maki-pagsabayan sa unang round, pinainit ni Concepcion ang sagupaan sa sumunod na round sa pamamagitan ng malalakas na suntok sa ulo at katawan ng kanyang katunggaling taga-Tanzania.
Kasunod nito’y isang kanan sa ulo ang nagpabagsak kay Fundi para mapahiga sa lona.
Ngunit tumayo agad ang Tanzanian bago sa ika-sampung bilang dangan nga lang ay napuruhan talaga ng Pinoy boxer kaya nabigong ipagpatuloy ang laban, na nagbunsod naman kay refe-ree Danrex Tapdasan na ipa-tigil ito sa 0:56 mark sa ika-lawang round.
“Talagang pinaghandaan ni Bernabe (Concepcion) ang laban na ito,” pahayag ng kanyang manager na si Ryan Gabriel.
“Napansin ko sa first round pa lang ay mabigat na ang kamay ng kalaban (Fundi), kaya nagawang basahin ni Bernabe at makuha ang tamang timing para mapuruhan ng (ka-nan),” dagdag niya.
Pinaganda ng panalo ang record ni Concepcion sa 34-6-3, kabilang ang 20 knockout, habang si Fundi nama’y bumaba sa 27-13-3, kasama ang 11 knockouts.
Kasunod nito, minamataan ni Gabriel na mapalaban ang kanyang alaga kay Chris ‘The Hitman’ Avalos (25-3, 19 KOs) para sa unang depensa ng kanyang korona.
ni Tracy Cabrera