Atake kay PNoy strategy ni Binay
Rose Novenario
August 6, 2015
News
NANINIWALA ang Palasyo na habang in-atake ni Vice President Jejomar Binay si Pangulong Benigno Aquino III ay lalong tumitingkad ang mga isyu ng korupsiyon laban sa Bise-Presidente.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ang patuloy na pagbatikos ni Binay kay Pangulong Aquino ay pagsusulong ng desperadong politika habang ang administrasyong Aquino’y ipinaiiral ang politika ng pag-asa.
“The more he attacks President Aquino, the more his corruption allegations are emphasized because he espouses the politics of despair while we emphasize the politics of hope,” ayon kay Lacierda.
May mga nangangamba na baka nakatutulong pa kay Binay ang pagsagot ng Palasyo sa kanyang mga alegasyon laban sa Pangulo dahil lalo siyang napag-uusapan.
Marami ang nagdududa na posibleng estratehiya ni Binay ang pagbatikos sa Malacañang para ilagay sa depensibang posisyon ang administrasyon upang mapagtakpan ang pagbabalewala niya sa mga isyu ng katiwalian laban sa kanya.
Kaugnay nito, umalma si Communications Secretary Herminio Coloma Jr., sa pahayag ni Binay na ang pagpapasimuno ni Pangulong Aquino sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona ay bahagi ng grand plan para manatili sa poder sa loob ng 18 taon at magtayo ng diktadura.
“Mali ang paratang hinggil sa pagiging ‘dictador.’ Alinsunod sa Konstitusyon ang impeachment at conviction ni dating CJ Corona. Umani ng puri ang Senado bilang impeachment court dahil naging patas ang pagdinig. Si dating Senate President Enrile, isang kaalyado ni VP Binay ang namuno sa paglilitis,” ani Coloma.