Goldxtreme sumagot sa SEC advisory
Hataw
August 4, 2015
News
NAGTATAKA ang mga kinatawan ng Goldxtreme Trading Co., kung bakit sila nasama sa isang advisory na ipinakalat ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa advisory na ito, na lumabas noong June 4, 2014, binalaan ng SEC ang publiko na mag-ingat sa mga high-risk investment schemes, at inilista ang Goldxtreme sa isa sa mga kompanyang dapat na pag-ingatan.
Ngunit ayon kay Atty. Dennis Manalo, abogado ng Goldxtreme, maaaring nagkamali ang SEC sa pagsama sa kanila sa listahang ito, at ito ay nakasisira sa lehitimong pagkakalakal na ginagawa ng kompanya.
“Nakapagpadala na po kami ng sulat kay SEC Director Jose P. Aquino na nakikiusap na kami po ay tanggalin sa advisory, dahil maaaring makalinlang ito,” ipinaliwanag ni Manalo.
“Wala po ni isang kasong hinaharap ang Goldxtreme dahil lahat po ng aming ginagawa ay legal, at nagbabayad din po kami ng tamang buwis sa gobyerno sa lahat ng aming mga operasyon. Dahil sa SEC advisory, nasira po ang reputasyon ng Goldxtreme at ng mga miyembro nito,” sabi ni Manalo.
Ayon sa sulat ni Manalo sa SEC, ang business model ng Goldxtreme ay hindi umaasa sa pagre-recruit o paglikom ng pondo mula sa mga investor. “Ang tanging negosyo ng Goldxtreme ay pagbenta ng ginto. At, para sa mga kliyente na gusto pang makakuha ng mas maraming ginto sa mas maliit na halaga, maaari silang mag-refer ng iba pang gustong bumili ng ginto mula sa amin. Ito’y hindi naiiba sa mga business model ng mga multinational health, beauty, at homecare products,” kanyang iginiit.
Ipinaliwanag din ni Manalo na hindi nangangako ang Goldxtreme ng kahit anong “return on investment” ngunit nagbibigay sila ng mga pabuya para sa mga kliyente na nagsikap na makakuha ng mga iba pang bibili ng ginto mula sa kanila.
“Nagbibigay ang Goldxtreme ng pagkakataon na mapalaki ang sukat ng gintong iyong binili kapag nagsikap kang maghanap ng iba pang mga bibili ng ginto mula sa amin.”
Tinatawag ito ng Gold-xtreme na “Gold Swap Program.” Ang isang kliyente ng bumili ng ginto ay maaaring humanap ng karagdagang 15 kliyente.
Kapag ito ay kanyang nagawa, bibigyan siya ng karagdagang 12 gramong ginto na maari niyang itabi or ibentang muli sa kompanya.
“Para lamang itong isang customer reward. Halimbawa, bumili ako ng isang maliit na sasakyan mula sa isang car company, at binigyan nila ako ng pagkakataong ipagpalit ito sa isang mas magara at malaking kotse kung makakakombinsi ako ng 15 ibang tao na bumili ng kotse sa kanila,” paliwanag ni Manalo.
“Wala naman pong masama roon, ‘di ba? Sang-ayon kami sa SEC, na dapat talaga tayong mag-ingat sa ating pera. Pinaghirapan natin iyan. Ngunit, huwag rin tayong madaling humusga, lalo na kung wala namang masamang ginagawa at legal na nagbebenta ang isang kompanya,” kanyang iminungkahi.