Kamay ni Mar itinaas na ni PNoy (Para sa 2016 polls)
Rose Novenario
August 1, 2015
News
PORMAL nang inendorso ni Pangulong Benigno Aquino III si Interior Secretary Mar Roxas bilang kanyang manok sa 2016 presidential elections.
Ang pinakaaabangang anunsiyo ay ginawa ni Pangulong Aquino sa pagtitipon ng Liberal Party na tinaguriang “A Gathering of Friends” sa makasaysayang Club Filipino sa San Juan City, ang lugar kung saan ininendorso rin siya ng Liberal Party bilang 2010 presidential bet at nanumpa ang kanyang inang si Corazon Aquino bilang Pangulo makaran ang EDSA 1 na nagpabagsak sa diktadurang Marcos noong 1986.
“Doon na tayo sa siguradong itutuloy ang daang matuwid. Ang paniniwala ko po ang taong ito at walang iba kundi si Mar Roxas,” anang Pangulo.
“Roxas Na!” ang sigaw naman ng mga dumalo sa Club Filipino.
“Mga Boss, idinudulog ko po sa inyo ngayon: Sa akin pong opinyon, ang nagpakita na ng gilas at ng integridad, ang hinog at handang-handang magpatuloy ng Daang Matuwid: walang iba kundi si Mar Roxas,” sabi pa ni Pangulong Aquino.
Sigurado aniya na may kakayahan, walang ibang boss kundi taumbayan at walang pinagkakautangan ng loob si Roxas kaya’t kompiyansa ang Pangulo na ipagpapatuloy ang mga repormang ipinatutupad niya sa gobyerno.
Ikinuwento pa ng Pangulo na si Roxas ang pasimuno ng business process outsourcing (BPO) industry sa Filipinas ngunit hindi niya pinayagan na sumali sa ganitong negosyo.
“Idiin po natin: Ang sariling pamilyang matagal nang negosyante, kinumbinsi niyang huwag makisali sa inisyatibang sinimulan niya bilang opisyal ng gobyerno. Dito po, at sa marami pang ibang halimbawa, klarong-klaro ang integridad ng isang Mar Roxas,” anang Pangulo.
Hinimok ng Pangulo ang kanyang mga tagasuporta na tulungan umangat si Roxas sa mga presidential survey
“Mababa man ang kanyang numero, ibig sabihin lamang nito na dapat nating paghusayan ang pagpapakilala sa kanya [Roxas],”sabi pa ng Pangulo.
(ROSE NOVENARIO)
ROXAS DAPAT NANG MAGBITIW SA DILG — MARCOS
PINAYUHAN ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na magbitiw na sa kanyang puwesto.
Ito ay makaraan pormal nang i-endorse ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino si Roxas bilang pambato ng administrasyon at Liberal Party (LP) para sa 2016 presidential election.
Ayon kay Marcos, marapat lamang na magbitiw si Roxas upang hindi mabigyan ng ano mang kulay politika ang kanyang paninilbihan sa bayan.
Binigyang-diin ni Marcos, ito ay upang hindi maakusahan ang kalihim na gagamitin ang pondo ng ahensiya para sa kanyang political interest sa 2016 presidential election.
Bukod kay Roxas, kabilan din si Marcos sa mga posibleng sumabak sa eleksiyon para sa pagkapangulo sa 2016 election ngunit wala pang kompirmasyon ang senador ukol dito.
(NIÑO ACLAN)
PNOY NAGPASARING
KASABAY nang pagbasbas ni Pangulong Benigno “Noynoy: Aquino III kay Interior Secretary Mar Roxas, mistulang nagpatama siya sa mga kandidatong posibleng makaribal ng pambato sa parating ng halalan.
Sa Cory Aquino Kalayaan Hall sa Club Filipino, unang kinompirma ng Pangulo na nakipagpulong siya sa tatlong kandidato na pinaniwalaan niyang makatutuwang sa pagpapatuloy ng “Daang Matuwid.”
Aniya, “Maganda nga po sana na ang mga kailangan pang magsanay, magkakaroon ng magandang pagkakataon na mahinog at maunawaan ang tunay na lalim ng pagka-pinuno. Sa aking pong paniniwala, itong tatlo, kung magkakasama-sama ay talagang matinding tambalan.”
Dito idinugtong ng Pangulo na: “Tiwala akong mulat din kayo, napakalaki ng nakataya para ipaubaya sa bakasakali. Marahil may nag-isip, baka yung iba kayang ituloy ang mga nasimulan natin, baka yung iba, kayang panagutin ang mga tiwali, baka yung iba kayang ituloy ang paglago ng ekonomiya, baka yung iba manatili sa Tuwid na Daan.
“Ang sa akin lang po, bakit tayo magpapaakit sa ‘baka’ kung mayroon namang sigurado?”
Sa huling SoNA
BANAT KAY CGMA IDINEPENSA NI PNOY
IDINEPENSA ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang kanyang huling State of the Nation Address (SONA), partikular na ang pagkompara sa mga nakamit ng kanyang administrasyon at ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Bago opisyal na i-endorse si Interior Secretary Mar Roxas, ipinaliwanag muna ni Aquino na: “Ang sa akin lang po sinusukat natin ang nalakbay ng bansa mula Point A hanggang Point B. Hindi ba natural lang ilatag natin ang buong katotohanan ng Point A kung na ating pinagmulan.”
Mababalikan sa mahigit dalawang oras na SONA ang tahasang paninisi ni Aquino sa sinundang administrasyon.
Binatikos ng ilang netizen pati na ni dating First Gentleman Mike Arroyo ang naturang mga pahayag ni Aquino.
Nanindigan ang Pangulo na kailangan ito para magunita ang mga suliraning kinaharap ng kanyang administrasyon.