KUNG ihahalintulad ang buhay ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa isang bagay, walang kaduda-duda, isa itong kahon ng krayola.
Lahat kasi ng uri ng emosyong dala ng bawat kulay ay naranasan na yata ng dating senador. Walang kaduda-dudang pang-showbiz ang nagging mga tsapter ng kanyang buhay.
Kontrobersiyal at inspirasyon ang kilalang lider, kaya naman dalawang pelikula ang umusbong dito, ang biopic na Ping Lacson: Supercop noong 2000 na pinagbidahan ng yumaong Rudy Fernandez at ang 10,000 Hours noong 2013 na fictionalized account ukol umano sa pagtatago niya.
Aminado naman ang Senador na madalas nga raw siyang biruin tungkol dito. “Para raw akong artista dahil palagi akong nahe-headline!” kaswal niyang bungad.
Hindi naman din kataka-taka dahil dalawa na ang kanyang apo na bunga ng pakikipagrelasyon ng kanyang junior na si Pampi kina Jodi Sta. Maria at Iwa Moto.
Ikinatuwa ba niya ito o ikinalugod na nagiging mas “showbiz” na ang kanyang buhay publiko?
“Halos pareho ang entertainment world at saka politika.Sa magnitude lang nag-iiba,” ayon sa dating rehabilitation czar noong aftermath ng bagyong Yolanda.
Sa paglaki ng kanyang mga apong sina Thirdy at Mimi, mas pipiliin ba niyang maging artista ang mgaito o politiko?
Aniya, hindi niya pinakikialaman kahit noong bata pa ang kanyang mga anak na sina Ronald Jay, Panfilo Jr, at Jeric sa kung anong gusting tahakin ng mga ito.
Mas pinahahalagahan niya ang paghulma sa mga ito gayundin sa mga apo. Mapa-showbiz o politika, ang importante sa Senador ay may taglay na dignidad ang kanyang mga apo.
“Sa murang edad, kailangang turuan na natin sila ng sense of what is right or wrong para lumalaki silang may disiplina,” anang proud lolo, na halatang humuhugot ng inspirasyon sa kanyang mga apo.
At doon daw siya makakahinga ng maluwag dahil alam niyang tatatag ang mga ito tulad ng kanyang mga anak.
“Istrikto ako, pero hindi ibig sabihin niyon hindi ako mapagmahal. I may not be always there, pero ‘pag may time, I make sure na quality ang bonding naming mag-aama at maglololo,” giit pa ng dating senador na nagnanais magtaguyod ng tuwid na daan dahil nais din niyang ito ang lakaran ng kanyang mga apo.
ni Maricris Valdez Nicasio