AMINADO ang award winning actress na si Alessandra de Rossi na masaya siyang gampanan ang papel ni Mommy Dionisia Pacquiao para sa pelikulang Kid Kulafu na showing na ngayon. Iba raw kasi ang karakter ng isang tulad ng mother ni Manny Pacman.
“Ang role ko bilang si Mommy Dionisia ay talagang sikat na sikat sa Pilipinas, na mayroon akong ginagaya at ina-akting na sikat na tao, iyon ang naging challenge sa akin,” saad niya.
Sinabi pa ni Alessandra na kakaibang atake ang ginawa niya sa pagganap sa papel ni Mommy Dionisia.
“Tanong ko sa sarili na magawa ko kaya ng tama iyong role? Kasi normally kapag may inaalok sa iyong script, mayroon kang sariling atake sa role. Pero sa movie na ito, si Mommy D. ito at kilala siya ng lahat ng tao.
“Kaya kapag nagkamali ka, parang nakakahiya.”
Nabanggit din ng aktres ang paghanga niya kay Mommy D. bilang mapagmahal sa kanyang pamilya.
“Isa pa, iyong maalaga sa pamilya. Kaya nga naging madali para sa akin iyong scenes ko with Buboy, kasi may pagka-motherly kasi akong tao, whether sa kaibigan, kapatid, sa sarili kong ina, o sa mga naging dyowa ko.
“Kasi sabi nga sa akin ni Direk Paul, kung nakikita mo si Mommy D. ngayon, yung makulit, maingay, hindi naman siya ganyan dati. Mare-realize mo na ang daming problema ng tao. Malamang witty siyang humirit, malamang nakakaloka siya. Pero hindi siya sumasayaw-sayaw habang namomroblema.
“Ibang Mommy D. iyong ngayon, iba ‘yung noon. Eto ‘yung noon na medyo mas seryoso ng kaunti, pero medyo nakakatawa rin. Para bang may potential siyang maging komedyante pero hindi pa nakikita noon,” paliwanag pa ni Alessandra.
Ang Kid Kulafu ay mula sa pamamahala ni Direk Paul Soriano. Bukod kay Alessandra, tinatampukan ito nina Buboy Villar, Khalil Ramos, Igi Boy, Flores, Alex Medina, at Cesar Montano.
ni Nonie V. Nicasio