PATULOY sa pag-hataw sa box office ang You’re My Boss na first movie tandem nina Coco Martin at Toni Gonzaga. Sa first day nito ay kumita agad ang pelikula ng P25 million.
Hindi naman ito kataka-taka dahil sa trailer pa lang ng movie’ng itong Star Cinema, maaaliw ka na talaga nang husto. Minsan pang pinatunayan dito ni Toni na siya ang Box Office Queen at si Coco, hindi lang Primetime King dahil sa success ng You’re My Boss, pasok na pasok na rin siyang tawagin bilang box office actor.
Ang last three movie kasi ni Coco ay patok lahat sa box office. Base kasi sa pag-check namin sa Wikipedia, kumita ang movie nila ni Sarah Geronimo na Maybe This Time ng almost P135 million. Samantalang ang Feng Shui-2 with Kris Aquino ay kumita naman ng P235 million.
Anyway, bagay kay Coco ang role rito, bilang isang pangkaraniwang empleyado na ginawang temporary assistant ng acting boss ng kompanya na ginagampanan ni Toni. Hagalpakan din ang manonood sa pilipit na English diction ni Coco at sa iba pang pinaggagawa niya sa pelikula.
Swak ang tandem nila ni Toni bilang mataray na boss dahil may pinagdadaanan ito. Sakay na sakay ang audience sa pagkokorek ni Toni kay Coco sa mga salitang helicopter, social media, at iba pa.
Sana lang ay mas naipaliwanag pa sa pelikula kung bakit siya pinagkakatiwalaan nang husto at close sa big boss nilang si Freddie Webb, to the point na ginawa siyang temporary assistant ni Toni nang nagbakasyon si Freddie. Samantalang ordinaryong empleyado lang naman siya roon.
Sa aming palagay, ang isa sa mahalagang sangkap sa pelikulang ito kaya nagustuhan ng masa, typical man na Rom-Com (Romantic-comcdy) movie ay may hatid naman itong kurot sa puso dahil sa ipinakita sa pelikula ang pagpapahalaga sa pa-milya at pagiging honest o pagpapakatotoo. Kaya sure ako na maraming viewers ang makakaka-relate sa pelikulang ito nina Coco at Toni.
Minsan pang nagpakitang gilas dito si Direk Antoniette Jadaone, na ang naunang pelikula na That Thing Called Tadhana nina Angelica Panganiban at JM de Guzman ay humataw din sa box office. Siya na ba ang susunod sa yapak ni Direk Cathy Garcia Molina?
This early, masasabi ko na easily ay malalagpasan ng You’re My Boss ang kinita ng That Thing Called Tadhana.
Hindi rin ako magtataka kung magiging isa ito sa pinamamalakas na pelikula ni Coco, pagdating sa box office. Considering na ang katapat na movie nina Coco at Toni ay ang mega-Hollywood movie na Fast and The Furious 7, malaking achievement ito sa career ni Coco. Dahil ngayon ay napatunayan niyang hindi lang siya sa galing sa pag-arte maaasahan, kundi pati sa box office!
ni Nonie V. Nicasio