ni James Ty III
NANOOD kamakailan sa Mall of Asia Arena ng laro ng Ateneo at La Salle sa UAAP women’s volleyball ang ilang mga artista ng ABS-CBN tulad nina Angelica Panganiban at Isabelle Daza.
Inamin ni Angelica na nanood siya ng laro ng Ateneo dahil nalaman niyang nanood ang pambatong player ng Lady Eagles na si Alyssa Valdez ng kanyang pelikulang That Thing Called Tadhana na pinagbibidahan niya.
Kaya naman natuwa si Angelica sa ipinakitang suporta ni Alyssa sa kanyang pelikula at lalong napahanga ang aktres sa laro ni Alyssa nang dinala niya ang Lady Eagles sa korona ng UAAP volleyball.
“Since last year pa ako nanonood ng game ng Ateneo sa volleyball. Ngayon lang ako nag-decide na manood ng live,” ayon kay Angelica.
“Noong nag-champion sila, talagang lumapit ako kay Ate Alyssa at nagyakapan kami. May ilang mga volleyball fans na humingi sa akin ng pases para manood ng movie ko.”
Sinabi naman ni Isabelle na ito ang unang beses na nanood siya ng volleyball at kahit natalo ang La Salle, proud pa rin siya sa kanyang dating pamantasan.
“It’s a thrill to watch volleyball for the first time,” say ng anak ni Gloria Diaz. ”I’m now beginning to appreciate the sport.”