Habang nagbabakasyon sa Osaka, Japan ang buong EB Dabarkads, simula ngayong Lunes, March 30 hanggang April 1 ay anim na back to back na istorya sa “Misteryo” Eat Bulaga Lenten Special ang mapanonood ng lahat.
Ngayong Lunes Santo ay matutunghayan ang dalawang kuwento na “Biro ng Kapalaran” tungkol sa May-December love affair nina Keempee de Leon at Nova Villa kasama rito sina Paolo Ballesteros at Jimmy Santos sa direksyon ni Mark Reyes na susundan naman agad ng “Lukso ng Dugo” na unang pagsasamahan ng parehong produkto ng “Little Miss Philippines” na sina Aiza Seguerra at Ryzza Mae Dizon na pareho rin nagpakita nang husay sa drama. Sa ilalim naman ito ng direksyon ni Gina Alajar at kasama rin sa cast sina Pia Guanio, Julia Clarete at Ricky Davao.
Sa Martes Santo masasaksihan naman ang mga kuwento na sasalamin sa tunay na kahulugan ng pag-ibig at kung hanggang kailan mo kayang magtiis alang-alang sa iyong minamahal. Pagbibidahan ito nina Pauleen Luna at Rocco Nacino na gaganap na mag-asawa at suportado ang dalawang multi-awarded actress na sina Jacklyn Jose at Dabarkads Anjo Yllana. Mula ‘yan sa direksyon ni Jose “Javier” Reyes.
Kaabang-abang naman ang madramang tagpo sa “Pinagpalang Ama” nina Joey de Leon, Wally Bayola, Jose Manalo at Ryan Agoncillo na gaganap na bading na mahilig sumali sa Gay Beauty Pageant at si Bb. Joyce Bernal naman ang director ng episode na may mahagang role na gagampanan si Ms. Pilita Corales. Para sa huling back to back episode, masasaksihan sa Miyerkoles Santo ang GMA-7 Primetime Queen na si Marian Rivera at hottest youngstar na si Bianca Umali sa “Aruga ng Puso.” Gaganap na retarded si Bianca at makakasama nila rito ang isa pang mahusay na TV, movie at stage actress na si Ms. Irma Adlawan at si Bb. Joyce Bernal uli ang director ng heavy drama episode na magpapaluha sa televiewers.
Si Bossing Vic Sotto naman ang inyong makikita sa mahusay niyang pagganap bilang guro sa “Sukli ng Pagmamahal” na huling kuwentong matutunghayan sa misteryo Eat Bulaga Lenten Special, kasama sina Tito Sotto, Ina Raymundo, Seff Cayadona at Allan K at ang de-kalibreng si Joel Lamangan ang director ng naturang episode. Bago pa ang pagpapalabas nito sa Kapuso network ay pinanoood ito ng Eat Bulaga sa mga mag-aaral sa ilang eskuwelahan at puro papuri ang tinanggap nila mula sa mga estudyante.
Ang nasabing EB Lenten special ay hatid ng OPlus Grande, Kopiko Brown Coffee, PLDT Home DSL at ng Tide.
ni Peter Ledesma