ni Tracy Cabrera
NILAMPASAN na ng Tsina ang bansang Germany sa pagiging world’s third-biggest arms exporter, sa kabila na ang 5 porsyento ng merkado ay maliit pa rin kung ihahambing sa pinagsamang 58 porsyento ng export mula sa Estados Unidos at Russia.
Ayon sa pinakabagong survey ng Stockholm International Peace Research Institute, ang share ng Tsina sa global arms market ay umangat ng 143 porsyento mula 2010 hanggang 2014.
Ang datos ay nagpakita ng lumalagong lakas ng domestic arms industry ng Tsina, na ngayon ay nagpo-produce ng mga fourth-generation fighter jet, navy frigates at wide-range ng mura, simple at reliable na mga sandatang ginagamit sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Dating major importer ng mga armas ang Tsina, mula sa Russia, Ukraine at ilan pang mga bansa, subalit ang lumalakas nitong ekonomiya at paggaya sa dayuhang teknolohiya ang nagging dahilan para mabaligtad ito, liban lang sa pinaka-cutting-edge na mga disenyo at sopistikadong bahagi tulad ng mga makina ng eroplano.
Ang Tsina ay supplier ngayton ng mga sandata sa 35 bansa, kabilang na ang Pakistan, Bangladesh at Myanmar. Kasama din sa Chinese arms sales ang mga armored vehicle at transport at trainer aircraft na pinapadala sa Venezuela, tatlong frigates sa Algeria, anti-ship missiles sa Indonesia at unmanned combat aerial vehicles, o drones, sa Nigeria, na ngayon ay nakikipagbakbakan sa Boko Haram insurgency sa hilaga.