ni Ed de Leon
MATINDI ang nakita naming reaksiyon ni Amalia Fuentes matapos na sabihin niyang nabalewala at nabastos siya nang tumanggi ang mga host na pagsalitain siya at pinagtaguan ng microphone sa mismong cremation rites ng kanyang kaisa-isang anak na si Liezl. Malaking kawalan talaga kay Amalia ang paglisan ng kanyang kaisa-isang anak. Nag-adopt siya ng isa pang anak, pero ang kanyang biological child o iyong mismong nagmula sa kanya ay si Liezl lamang.
Inaamin niya, hindi niya masyadong dinamdam nang malamang may cancer ang anak, dahil sa paniwala daw niya na mauuna siyang mamatay kaysa kay Liezl at hindi niya mararanasan ang panahon na mamatayan ng isang anak. Pero iba nga ang nangyari. Sa edad na 47 ay yumao na si Liezl. Si Amalia ay 74 na.
May sinasabi si Amalia na minsan daw ay kausap niya sa telepono ang kanyang anak at umiiyak iyon sa kanya, dahil sa kanyang karamdaman ay naiwan iyong nag-iisa sa kanyang bedroom. Nasa taping daw noon si Albert, nasa eskuwelahan ang isang anak, hindi niya sinabi kung nasaan ang dalawang iba pang anak ni Liezl, pero nag-iisa raw iyon. Malamang hindi lang iyon ang nasasabi ni Amalia. Maaaring sa dalawang gabing lamay ay marami na siyang kuwento, at marahil iyon ang dahilan kung bakit ayaw na siyang pagsalitain pa, pero iyon ay isang karapatan na hindi mo maaaring alisin sa magulang. Ano man ang saloobin at sabihin ng isang magulang, magulang pa rin siya. Hindi siya puwedeng isnabin.
Ewan ha, pero iba ang values ng Filipino. Ano man ang sabihin ninyo, may alitan man kayo, ang magulang ay magulang. Kung at odds ang magulang at ang anak, masamang tingnan iyon. Kung ang at odds at umabot sa ganyan na ang biyenan at ang manugang, mas masamang tingnan iyon, lalo na nga’t anak niya mismo iyong yumao. Iyong magulang kasi hindi naaalis ang karapatan sa kanyang mga anak kahit na may asawa na iyon. Hindi dapat makialam ang magulang sa buhay ng kanyang anak, pero hindi nawawala ang kanyang karapatan sa anak niya.
Hahaba iyang issue na iyan kung hindi nila maaayos agad. Palagay namin may mga dapat mamagitan sa kanila. Lumabas na iyan sa media. Isang public issue na iyan. Hindi na maaaring awatin ang opinion ng mga tao riyan. Kung hindi nila mapipigil iyan, lalong lalaki ang issue. Time for damage control na iyan. Iyon ang dapat nilang gawin. Alalahanin ninyo, wala pang opinion diyan ang mga kapatid ni Amalia.