TINUTUMBOK ng bagyong may international code name na Bavi ang Luzon habang nakaambang pumasok sa Philippine area of responsibility sa Martes.
Batay sa mga international forecast, maaaring sa bahagi ng Isabela o Aurora mag-landfall ang bagyo sa Sabado ng susunod na linggo.
Kahapon, lumakas pa ang bagyo sa 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong hangin na aabot sa 100 kilometro bawat oras.
Umuusad ang bagyo na tatawaging si Betty sa oras na pumasok sa PAR, pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 20 kilometro bawat oras.
Huling natukoy ang bagyo sa layong 2,600 kilometro sa silangan ng Bicol Region.
Sa ngayon ay napakalayo pa ng bagyo para makaapekto sa alinmang panig ng bansa.
Ang mga pag-ulan na nararanasan sa bahagi ng Luzon ay dulot ng local thunder storms.
Habang maaliwalas sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
PAYO NG NDRRMC BAGYONG BAVI MAAGANG PAGHANDAAN
NAGLABAS na ng inisyal na alerto ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kanilang mga lokal na tanggapan at sa mga residente ng mga lugar na maaaring tamaan ng nagbabantang bagyong may international name na Bavi.
Nitong weekend, nagbigay na ng kautusan ang punong tanggapan ng NDRRMC para paghandaan ang posibleng paglikas kung patuloy pang lalakas ang sama ng panahon.
Maging ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay naghahanda na rin para mag-reposition ng kanilang ipamamahaging tulong sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Sa huling pagtaya ng Pagasa, inaasahang papasok ang bagyong Bavi sa Philippine area of responsibility (PAR) sa Martes.
Bibigyan ito ng local name na “Betty” kapag nasa loob na ng PAR.