ni Ed de Leon
BABAYARAN naman daw ni Diether Ocampo ang mga tauhang nagtrabaho para sa isang indie films na siya ang nag-produce. May mga mabilis kasing nagkalat ng balita na nasuba ni Diether ang mga taong pinagtrabaho niya sa kanyang film project. Inamin naman ni Diether na nagkaroon sila ng problema ng kanyang mga kasosyo. Pero bilang executive producer, hindi niya tinatalikuran ang kanyang responsibilidad at nangangako siyang mababayaran ang lahat sa tamang panahon.
Mahirap talaga ang gumawa ng pelikula. Nangyayari talaga iyan kung minsan akala mo sapat na ang puhunan mo, pero may mangyayaring hindi mo inaasahan at kakapusin ka. Mabuti naman si Diether at pinaninindigan maging ang kanyang mga pagkukulang. Noong araw may mga balasubas na producers na basta na lang mawawala sa kanyang inuupahang opisina, magtatago na lalo na at naglugi ang pelikula at hindi na babayaran ang mga artista at iba pang manggagagawa. Iyan ang tinatawag nila noong araw na mga “fly by night” na producers.
Hindi naman ganoon si Diether dahil magbabayad naman pala siya.