TULUYAN nang ibinasura ang dalawang kaso ng libel na isinampa laban sa reporter ng HATAW D’yaryo ng Bayan at lima pang mamamahayag sa ipinalabas na resolusyon ng Malabon & Navotas Prosecutors office nitong nakaraang linggo.
Kinilala ang mga mamamahayag na sina Rommel Sales ng Hataw (D’yaryo ng Bayan); Beth Samson at Jun Paclibar ng Police Files; Rey Galupo, Philippine Star; Cherk Almadin, Abante Tonite; at Orly Barcala ng Balita.
Sina Sales, Samson at Paclibar ay sumailalim sa legal assistance ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) na kinatawan ni paralegal volunteer Bayani Madamba sa piskalya.
Sina Sales et al, at doktor na si Henry Tinio Ballecer ay inasunto ni barangay kagawad Danilo Trinidad nang lumabas sa nasabing mga pahayagan ang sinabing harassment sa isinagawang operation tuli sa kanilang barangay.
Nauna rito sinampahan ng reklamo ng city health doctor na si Ballecer ang barangay kagawad na si Trinidad ng Brgy. Sipac Almacen, Navotas City dahil sa ginawang pagbabanta at pananakot sa grupo ng mga manggamot na nagsagawa ng Operation Tuli noong nakalipas na taon sa nasabing barangay.
Dalawang batang lalaki ang isinama ni Trinidad para ipatuli pero dahil ubos na ang gamot tinapos na ng mga doktor ang tuli.
Pero tila hindi maganda ang pagtanggap ni Trinidad sa sitwasyon kaya kinausap siya ni Ballecer at ipinaliwanag na hindi na sila makapagtutuli.
Nagalit umano ang kagawad at pinagsalitaan nang masasakit ang medical team sabay alis.
Pagbalik ay may dala na umanong baril dahilan upang sampahan ng kaso ni Ballecer na nailathala sa mga pahayagan.
Nauna rito, ibinasura ng Malabon & Navotas Prosecutors’ Office sa preliminary hearing ang kasong libelo ngunit naghain ng mosyon si Trinidad.
Nauna nang idinismis ni Assistant City Prosecutor, Jennie C. Lagua-Garcia sa kaniyang Joint Resolution ang nasabing reklamo ngunit naghain ng Motion For Reconsideration ang complainant.
Gayon man iginiit ni ALAM paralegal volunteer Madamda na ang balitang inilathala ng HATAW ay base sa salaysay ng nagreklamong doktor.
Hindi rin umano napatunayan ni Trinidad na nagsabwatan ang mga mamamahayag at ang doktor para sirain ang kanyang pangalan dahil siya ang nagsimulang manggulo sa nasabing insidente.
Sa bisa ng Final Resolution na nilagdaan na ipinalabas nitong Pebrero 5 (2015), ni City Prosecutor, Rennet D. Evangelista ng Malabon & Navotas City Prosecutor Office, kanyang ibinasura ang Motion For Reconsideration na inihain ni Trinidad.
Kasabay ng pagbasura sa dalawang kaso ng libel, iniakyat ng piskalya ang kasong unjust vexation at grave threats laban kay Trinidad na inihain ni Ballecer.
Ayon kay ALAM national chairman Jerry Yap, kinikilala nila ang malaking tulong na iniaambag ng mga paralegal volunteer para sa mga mamamahayag na nangangailangan ng legal assistance.