ni Roland Lerum
SA April 25, 2015, magkakaroon ng kauna-unahang concert si Alex Gonzaga sa Smart Araneta Coliseum. Ang titulo, Unexpected Concert produced by CCA Prod. and MGM Prod. At walang makapipigil sa kanila.
Bakit unexpected?
“Kasi hindi ko pa inaasahan na mangyayari ito sa akin, na ganito kadali. Parang dream come true na hindi talaga inaasahan.”
May talent sa hosting si Alex. Katunayan, media correspondent siya ng The Voice of the Philippines kasama si Robi Domingo. Kumanta na siya rito minsan at marami rin ang humanga sa kanyang tinig.
Pero may talent siya sa pagiging komedyante kaya inaasahan sa concert niya ang pagpapatawa. “Life is too short kaya kailangan, lagi tayong masaya. At saka ayaw ko ng nalulungkot. Baka tumanda lang ako agad.”
Twenty-seven lang si Alex pero may mga manliligaw siya na hanga sa beauty niya tulad ni Arjo Atayde, anak ni Sylvia Sanchez. Pero sabi ni Alex, “Ayoko muna ng love life gusto kong mag-concentrate sa aking career.”
Sa ASAP 20’s Videoke Challenge, na celebrities ang kakanta sa karaoke, isa si Alex sa mga segment host.
Last year, bida si Alex sa remake ng Korean telenobela, Pure Love. Now, abangan natin ang Inday Bote na siya ang bida. Matalbugan niya kaya si Maricel Soriano na unang bida rito?
Sabi ni Alex, sariling bersiyon niya ang Inday Bote na gagawin niya. “Mahirap mapantayan si Ms. Maricel Soriano,” sabi niya.
Samantala, abangan na lang natin ang Unexpected Concert niya na nasa likod ng produksiyon ang dating That’s Entertainment member na si Joed Serrano. Tiyak na unexpected din ang ating mararamdaman dahil ibang-iba si Alex sa kapatid niyang si Toni Gonzaga.